December 19, 2024

BONG GO, ROBIN PADILLA SUMAKLOLO SA MGA NASUNUGAN SA BAGUIO PUBLIC MARKET

Inayudahan  nina Sen. Bong Go at Sen. Robin Padilla ang 1,415 homeless families sa Baguio City makaraang masunog ang malaking bahagi ng Baguio City Public Market.

Ginanap ang pamamahagi ng tulong sa Bagiuo Central School, kung saan tumanggap ang mga benepisyaryo ng mga de-lata, meryenda, masks, bitamina, at mga damit sa 1,415 apektadong kabahayan. Namigay din sila ng mga bisikleta, cellular phone, sapatos, bag, at bola para sa basketball.

Nag-abot naman ang Department of Social Welfare and Development ng tulong pinansyal habang sinuri ng Department of Trade and Industry ang bawat benepisyaryo saka nagbigay ng livelihood assistance sa mga kwalipikadong indibidwal.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Go na kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Baguio City, sa pangunguna ni Mayor Benjamin “Benjie” Magalong at Vice Mayor Faustino Olawan, patuloy silang magsisikap na mapabilis ang pagbangon ng komunidad.

“Hindi ko po matiis na nakaupo lang po sa opisina habang yung mga kababayan natin ay naghihirap. Pupuntahan ko ho kayo kahit saan mang sulok ng Pilipinas, basta kaya ng aking katawan at panahon. Kaya umaapela ako sa aking mga kapwa lingkod-bayan na tulungan natin ang mga kababayan nating helpless, hopeless, at mga pinakanangangailangan,” ani Go.

Ngayong Fire Prevention Month, iginiit ni Go na kailangang patuloy na palakasin ang mga pagsisikap iwasan ang sunog at paghahanda upang malabanan ito.

Si Go ang pangunahing nag-akda at nag-co-sponsor sa Senado, ng Republic Act No. 11589, kilala bilang Bureau of Fire Protection Modernization Act of 2021.

“Sa pag-iikot ko sa bansa para makatulong sa mga nasunugan, nakita ko po talaga ang importansya ng pagpapalakas ng ating fire prevention campaigns. Kaya naman nagpapasalamat ako kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-apruba sa BFP Modernization Act para lalo pang lumakas ang pasalamat sa ahensya,” ani Go.