Magandang bungad ang sinalubong ng Bureau of Customs (BOC) sa pagpasok ng taong 2026 matapos nitong lampasan ang target na koleksyon para sa buwan ng Enero at makasamsam ng halos bilyong pisong halaga ng mga puslit na kalakal. Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang pangongolekta ng buwis at protektahan ang mga hangganan ng bansa, nakapagtala ang kawanihan ng kabuuang koleksyon na PhP 80.744 bilyon.
Ang halagang ito ay higit na mataas ng PhP 513 milyon kumpara sa itinakdang target, na nagpapakita ng isang matatag na 100.6% revenue collection efficiency.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa kolektibong pagsisikap ng mga tauhan ng Customs at ng mga stakeholder na sumusunod sa mga reporma para sa katatagan ng ekonomiya. Kumpara sa koleksyon noong Enero 2025, tumaas ang kita ng kawanihan ng 1.9 porsyento o katumbas ng PhP 1.490 bilyong paglago.
Iginiit ng komisyoner na ang paglampas sa target ay isang malakas na pagpapatunay ng disiplina sa kawanihan at ng lumalagong kooperasyon ng trade community sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Hindi lamang sa koleksyon naging agresibo ang BOC dahil sa loob din ng naturang buwan ay nakapagsagawa sila ng 66 na matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga kontrabando na may kabuuang halagang PhP 886.8 milyon.
Pinakamalaki sa mga nasabat ay ang mga iligal na droga na nagkakahalaga ng higit PhP 309 milyon, kabilang ang isang kargamento ng malachite stones na hinalubiluhan ng droga na may halagang PhP 114.566 milyon.
Sinundan ito ng pagkakasamsam sa mga iligal na sigarilyo at tabako na nagkakahalaga ng higit PhP 209 milyon, kabilang ang pagkakabuwag sa isang iligal na pagawaan sa Pampanga noong Enero 28 na gumagamit ng mga puslit na makinarya.
Bukod sa mga nabanggit, nakakumpiska rin ang mga enforcement unit ng mga sasakyan at vessel na may halagang PhP 143 milyon, gayundin ang mga elektronikong kagamitan na nagkakahalaga ng PhP 221 milyon.
Kasama sa mga operasyong ito ang pagkakahuli sa mga undeclared mobile phones sa Port of Cebu at iba pang aksyon laban sa mga puslit na produktong agrikultural at wildlife na banta sa kaligtasan ng mga mamimili at lokal na industriya.
Binigyang-diin ni Nepomuceno na ang tagumpay na ito ay bunga ng pakikipagtulungan sa mga ahensya gaya ng Philippine Coast Guard, PDEA, NBI, PNP, at HPG, habang nananatiling nakatutok ang kawanihan sa intelligence-led action upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa gobyerno.
