January 24, 2025

BOC ININSPEKSYON NG 5 CONTAINER VAN; NASABAT SMUGGLED NA ASUKAL, SIGARILYO

MANILA, Philippines — Pinangunahan nina Customs Commissioner Bienvenido Rubio, kasama sina Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy at Manila International Container Port (MICP) District Collector Arnoldo Famor, ang pagsasailalim sa physical examination sa limang container vans na natuklasang naglalaman ng tinata­yang P90 milyong halaga ng mga puslit na asukal at sigarilyo sa MICP kamakalawa.

Nabatid na inirekomenda ng Customs Intelligence and Investigation Service-MICP (CIIS-MICP) ang paglalabas ng Alert Orders (AOs) matapos na makatanggap ng derogatory information hinggil sa shipments, na ang tatlo ay mula sa Hong Kong, habang ang dalawa ay mula sa China.

Ang mga containers, na dumating sa bansa sa pagitan ng Enero 5, 2023, at Pebrero 12, 2023, ay naglalaman ng misdeclared at undeclared na asukal at sigarilyo, na tinatayang nasa P90,442,850 ang halaga.

Sinabi ni Uy na aktibong mino-monitor ng ahensiya ang mga impormasyon hinggil sa shipments na posibleng naglalaman ng mga smuggled goods sa isang pinaigting na pagsusumikap upang masugpo ang pagpasok ng mga kontrabando at mga ilegal na produkto sa bansa.

Agad din umano  silang magsasagawa ng kaukulang seizure at forfeiture proceedings laban sa mga subject shipments dahil sa paglabag sa Section 1113 (Goods Liable for Seizure and Forfeiture) na may kaugnayan sa Section 117 (Regulated Goods) ng Republic Act No. 10863 o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), Republic Act 10845 o The Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, Sugar Regulatory Administration rules and regulations, at National Tabacco Administration rules and regulations.

Gayundin, ang case records ay kaagad ring ire-refer sa Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) para sa case build-up at paghahain ng mga kasong kriminal laban sa mga taong responsable sa ilegal na importasyon ng subject agricultural at tobacco products dahil sa paglabag sa Section 1401 (Unlawful Importation) ng CMTA, at ng Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.