September 25, 2024

Birthday party pinagbabaril, 2 patay, 1 sugatan

TODAS ang dalawang lalaki habang sugatan naman ang isa pa matapos pagbabarilin habang nag-iinuman sa loob ng bahay ng isa sa mga biktima na noon ay nagdiriwang ng kaarawan sa Caloocan City, Lunes ng madaling araw.

Agad binawian ng buhay ang birthday celebrant na si alyas “Jose Enrico” 25, at ang kainuman na si alyas “Leonard” 25, habang sugatan naman ang isa pa nilang kaibigang si alyas “Tiboy” 24, na nakaratay pa sa Tala Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan.

Sa isinagawang follow-up operation, agad namang nadakip ng mga tauhan ng Caloocan police ang isa sa suspek na si alyas “Carlos”, 24, ng Block 156 Lot 7 Bagong Silang, matapos makilala ng testigong tricycle driver na nagmamadaling lumabas ng bahay ng biktima, bitbit ang isang baril, kasunod ang isa pang kasabuwat, makaraan ang pamamaril.

Sa ulat, nagsimulang mag-inuman ang magkakabigan Linggo ng gabi sa bahay ng birthday celebrant na si alyas Jose Enrico nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril ang ama ng isa pang biktimang si alyas “Leonard” dakong ala-1 na ng madaling araw ng Lunes.

Nang magresponde ang mga tauhan ng Police Sub-Station-13, dinatnan nila na duguan ng nakandusay ang mga biktima, dalawa sa kanila ay wala ng buhay, habang isinugod sa pagamutan ang isa pa.

Nakuha ng pulisya sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bala at dalawang tingga mula sa kalibre .45 baril bagama’t hindi nabawi ang armas sa nadakip na suspek.

Nagsasagawa pa ng pagsisiyasat ang pulisya upang matukoy ang motibo sa pamamaslang habang patuloy na tinutugis ang isa pang kasabuwat ng nadakip na suspek.