January 31, 2025

BILANG NG SCAM COMPLAINTS NAGING TRIPLE NOONG 2024 – CICC

Ayon sa ulat ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), may kabuuang 10,004 na reklamo sa cybercrime ang naihain sa kanilang opisina noong 2024, na higit sa triple ng 3,317 na reklamo noong 2023.

Sinabi ni CICC Executive Director Alexander Ramos na ang kabuuang halaga na nawala ng mga biktima ng cybercrime ay umabot sa halos P198 milyon noong nakaraang taon lamang.

Karamihan sa mga reklamo ay tungkol sa consumer fraud (35%), kabilang ang non-delivery of goods o services at pekeng advertisements. Samantala, Online Fraud (32%) ang pangalawa sa pinakamaraming reklamo, na kinabibilangan ng mga financial fraud, impersination, job scams, investment scams, at love scams.

Ang iba pang complaints ay kinabibilangan ng   unsolicited communication, illegal access, identity theft, sexual cybercrimes, phishing, at cyberlibel.

Dagdag pa niya, ang GCash ang top e-wallet na ginagamit ng mga biktima ng consumer fraud, online fraud, at  phishing, na may total loss na PHP76.49 milyon sa mga users nito.

Ang iba pang mga financial platform na ginamit ng mga biktima ay kinabibilangan ng BPI na may nawalang PHP28.47 milyon, GoTyme na may nawalang PHP15.38 milyon, at PayMaya na may nawalang PHP13.99 milyon.

Nanawagan siya sa mga biktima ng scam na tumawag sa toll-free hotline ng gobyerno na 1326.

Ang Inter-Agency Response Center hotline ay tumutulong 24 oras sa isang araw, mula Lunes hanggang Linggo, kahit holidays.