December 22, 2024

BILANG NG KASO NG DENGUE SA NCR LUMOBO

TUMAAS ang bilang ng kaso ng dengue sa National Capital Region (NCR) sa 34.47 percent mula Enero 1 hanggang Oktubre  26 kung ikukumpara sa parehong panahon noong nakarang taon.

Sa pinakabagong datos ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD), lumalabas na 24,232 ang naitalang kaso ng dengue sa unang sampung buwan ngayong taon.

Pinakamaraming naitalang kaso ay sa Quezon City na may 6,208 o 26 percent sa kabuuang bilang.

Habang 66 naman ang naitalang namatay sa dengue sa NCR.

Ayon kay MMCHD Epidemiology and Surveillance Unit medical technologist Mary Grace Labayen, naglalabas ng alert threshold o first warning kapag ang sakit ay kumalat sa lugar.

“Kapag naabot ang alert threshold, kailangan nang magpatupad ng mga hakbang para di kumalat ang mga sakit,” aniya.

Ayon kay MMCHD Director Dr. Rio Magpantay, karamihan sa mga lugar sa NCR na may mataas na kaso ay sa matataong lugar.

Aniya, tututukan ng DOH ang paglilinis sa breeding area kung saan naninirahan ang mga informal settlers. “Meron pa silang ibang gawain sa kanilang pamumuhay roon at baka lang nakakalimutan nilang hanapin ang iba pang pinamumugaran.

Dagdag pa niya, kakailanganin ang assistance at information drive mula sa local government units at iba pang partners.