November 5, 2024

BIG-TIME KOREAN FUGITIVES NA WANTED SA ILLEGAL GAMBLING, ARESTADO

Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang dalawang puganteng South Korean na wanted dahil sa pagpapatakbo ng isang big-time illegal gambling racket gamit ang Internet.

Sa report na ipinadala kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ni fugitive search unit (FSU) Chief Rendel Sy ang mga nadakip na puganteng dayuhan na sina Kim Hyundou, 42, at Lee Hyyunjoo, 37, na naaresto noong Sabado sa isang residential area sa Alabang, Muntinlupa City.

Inaresto si Kim sa bisa ng Warrant of Deportation na inisyu ni Morente, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga awtoridad ng South Korea na humihiling sa kanyang deportation pabalik sa kanilang bansa para harapin ang kasong kriminal na isinampa laban sa kanya.

Nahaharap din umano si Kimsa dalawang warrant of arrest sa Suwon District Court at Seoul Central District Court dahil sa paglabag sa national sports promotion act sa kanilang bansa.

Napag-alaman pa na may inisyu na Interpol red notice laban sa Koreano noong 2019, dalawang taon matapos nitong tumakas papuntang Pilipinas upang makaiwas sa imbestigasyon at paglilitis para sa nagawa niyang mga krimen.

“Authorities alleged that between October 2014 to December 2016, Kim and his accomplices opened several sites in the Internet wherein customers from Korea, Japan and Hongkong gambled by betting on the results of international sports competitions,” ayon sa BI.

Tinatayang nasa halos 1 bilyon na won ang kinita ng suspek mula sa kanilang iligal na aktibidades.

Sa isinagawang operasyon kay Kim, ay naabutan ng operatiba si Lee. Sa isinagawang pagsisiyasat, nabuking na si Lee ay may kinakaharap na “summary deportation order” mula sa BI na inisyu noong taon 2020 dahil sa pagiging pugante din nito sa kanilang bansa kung saan may kinakaharap itong arrest warrant na inisyu ng Seoul Central District Court sa kahalintulad na kaso ni Kim.

Ayon kay Morente, ang dalawang Koreano ay ipatatapon pabalik ng kanilang bansa dahil sa pagiging “undesirable” at “undocumented” na dayuhan ng mga ito, matapos bawiin ang kanilang mga pasaporte ng gobyerno sa Korea.

“The two will then be placed in our Immigration blacklist to prevent them from re-entering the country,” ani Morente.

“We will not allow these fugitives to hide in the Philippines to escape their crimes.  Through our close coordination with our foreign counterparts, we will make sure to rid the country of their presence and bring them to justice,” dagdag pa nito.