November 5, 2024

BI: TRAVEL BAN SA 36 BANSA AALISIN NA

MAYNILA – Tatapusin na ng Bureau of Immigration (BI) ang ipinatupad travel ban ng Pilipinas sa 36 bansa na may naiulat na kaso ng bagong COVID-19 variants simula Pebrero 1, kasunod ng direktiba mula sa Inter-Agency Task Force Against Emerging and Infectious Disease (IATF).

Gayunpaman, nilinaw ni BI Commissioner Jaime Morente na mananatiling nasa lugar ang iba pang travel restriction.

“We are still limiting the entry of foreign nationals to the country, following the IATF,” wika ni Morente. 

“Generally speaking, tourists are still not allowed to enter the country,” dagdag pa niya.

Pinapayagan lamang ng kasalukuyang mga paghihigpit ang pagpasok ng mga accredited foreign diplomats at mga tauhan ng accredited international organizations tulad ng World Health Organization at United Nations, foreign dignitaries, at iyong para sa mga medical at emergency cases, kabilang ang kanilang medical escorts.

Ang dayuhang asawa at mga menor de edad na anak ng mga Pilipino, mga batang may espesyal na pangangailangan anuman ang edad ng mga Pilipino, dayuhang magulang ng mga menor de edad na Pilipino, at banyagang magulang ng mga batang Pilipino na may espesyal na pangangailangan anuman ang edad ay papayagang pumasok.

Ang mga permanenteng residente sa ilalim ng Seksyon 13 ng Philippine Immigration Act, RA 7919, at EO 324, pati na rin ang mga may mga Native Born visa ay maaaring pumasok. Pinapayagan din ang mga ikinasal sa mga Pilipino na may mga Temporary Resident Visa at MCL-07-021 Permanent Resident Visas na may kaugnayan sa Seksyon 13 ng CA 613

Papayagan din ang mga investor na may EO 226 visa, Special Investor Resident Visa sa ilalim ng EO26, 47(a)2 visa na inisyu ng Department of Justice, at Section 9(d) Treaty Traders visa, kasama na rin ang may economic zone visa sa ilalim ng Aurora Pacific Economic Zone, Subic Bay Metropolitan Authority, Authority of the Freeport Area of Bataan, Cagayan Economic Zone Authority at Clark Development Corporation Bukod pa rito, ang mga may hawak ng Section 9(g) visa na umalis sa bansa simula Disyembre 17,2020 ay maaring bumalik sa pamamagitan ng papakita ng isang valid ACr I-Card at Special Return Certificate.

Maliban sa mga kwalipikado bilang mga balikbayan sa ilalim ng Republic Act No. 6768, ang lahat ng exempted foreign nationals ay kinakailangan ng magkaroon ng valid at existing visa sa oras ng pagpasok, na may pre-booked accommodation facility sa loob ng pitong gabi sa isang accredited quarantine facility, napapailalim sa COVID-19 testing protocols na itinakda ng Department of Health, at napapaulalim sa maximum na kapasidad ng mga papasok na pasahero.