November 12, 2024

BI IPATUTUPAD ANG DEPORTATION ORDER VS PEMBERTON

IPATUTUPAD ng Bureau of Immigration ang inisyung deportation order laban kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na pinagkalooban ng “absolute pardon” ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos mahatulan dahil sa pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente na nakausap na niya si Bureau of Corrections (BuCor) Director Gerald Bantag na dalhin sa BI si Pemberton sa oras na palayain sa kulungan upang maipatupad ang deportasyon at maiproseso na ang pag-alis nito sa bansa.

Paliwanag ni Morente na mandato ng Immigration  na ipatupad ang summary deportation order na inisyu ng Board of Commissioners laban kay Pemberton na may petsang September 16, 2015 dahil sa pagiging undesirable alien.

Binigyang diin ni Morente na dahil sa pardon na iginawad ng Pangulo kay Pemberton, wala na ring legal impediment o hadlang para makaalis ng bansa ang dayuhan.

Ayon kay Morente, ang hirit nilang pag-turn over ng kustodiya sa kanila ni Pemberton ay para lamang makumpleto o matapos ng Immigration ang deportation proceedings laban dito.

“At any rate, we are awaiting instructions from our Justice Secretary Menardo Guevarra for guidance on how we will implement the deportation order in a manner that is within the prescribed laws of the country”  dagdag pa niya.

Sinabi naman ni Atty. Arvin Santos ng BI Legal Division Chief, na ang mga dayuhang i-dedeport ay kinakailangang magsumite ng mga clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at regional trial court bilang katibayan na wala na silang nakabinbing mga kasong kriminal o sibil sa bansa.