February 22, 2025

Bebot, tiklo sa P680K tobats sa Caloocan

SWAK sa kulungan ang 22-anyos na bebot na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng halos P.7 milyong halaga ng shabu nang maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals na nakatanggap ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon na sangkot umano sa illegal drug trade si alyas “Akisah” ng lungsod.

Nang magawa ng isa sa mga operatiba ng SDEU na makipagtransaksyon sa suspek, agad ikinasa nila ang buy bust operation sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables at sa koordinasyon sa PDEA.

Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na nakabili na ito ng droga sa kanilang target, agad lumapit ang back-up na operatiba saka dinakip ang suspek sa Kaagapay Road corner NHC, Brgy., 188, Tala.

Ani Col. Canals, nakuha sa suspek ang nasa 100 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P680,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at anim pirasong P1,000 boodle money at itima na sling bag.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng RAc 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinapurihan ni NDP Director ang Caloocan City Police Station sa kanilang dedikasyon at mabilis na pagkilos sa pagsugpo sa kalakalan ng droga.