December 22, 2024

Bato sa kritiko ng Anti-Terror Bill: ‘WAG ISISI SA GOBYERNO KUNG LUMAGANAP ANG TERORISMO

HINAMON ni Senator Ronald “Bato”dela Rosa ang mga kriitko ng kontrobersiyal na Anti-Terrorism Act of 2020 na huwag sisihin ang gobyernong Duterte kung mas lumala ang terorismo sa bansa.

“Sige okay lang sa akin, eh di i- junk ninyo, gusto ninyo i-junk? Sige junk ninyo. Kapag kayo nabiktima ng terorista, kapag may namatay sa mahal sa buhay ninyo kayo mismo huwag ninyo sisihin ang gobyerno na hindi gumagawa ng paraan para mahinto ang terrorism para masawata ang terrorism,” ani ni Dela Rosa.

“Gusto ninyo ng another Marawi siege? Gusto ninyo ng another Zamboanga siege? Go ahead. Gusto ninyo ng bombing kaliwa kananan? Go ahead i-junk natin ito basta huwag ninyo sisihin ang gobyerno kapag nagkaletse letse sa terrorism dito,” dagdag niya.

Sabi ni Dela Rosa, isa sa mga awtor ng panukala sa Senado, walang dapat ikatakot ang mga mamamayan sa panukalang ito dahil target lang umano nito ang mga terorista at mga sumusuporta dito.

“Itong anti-terror bill na ito, kung ikaw ay law-abiding citizen at ayaw na ayaw mo ng terorismo, you will rejoice when this bill is signed into law,” giit ng dating Philippine National Police chief.

“Pero kung ikaw ay terorista o kaya’y supporter ng mga terorista, dapat matakot ka sa batas na ito. Kailangang-kailangan talaga natin itong batas na ito,” dagdag niya.

Panawagan pa ng senador sa publiko, huwag maniwala sa mga nagpapakalat ng umano’y maling impormasyon ukol sa panukala.

“Huwag kayong makinig diyan sa nagdi-disinformation dahil alam ko grabe ang disinformation na ginagawa ngayon dito, lalo na ng mga kaliwa, dahil alam nila na tatamaan ang NPA (New People’s Army) sa batas na ito,” sambit ng administration senator. “Kaya talagang nagkukumahog sila na sirain ang batas na ito, hindi maisabatas dahil alam nila na tatamaan ang NPA. Kaya basahin n’yo ang batas [para] mawala ang agam-agam n’yo,” saad pa niya.