January 19, 2025

BARKO INANOD NG MALALAKING ALON, SUMADSAD SA DALAMPASIGAN NG BATANGAS CITY

Pinagtutulungan ng mga lokal na ahensya ng Batangas na agad matanggal ang barkong sumadsad sa dalampasigan ng Batangas City kahapon.

Ayon sa Philippine Coast Guard Southern Tagalog, sinisikap  alisin ang LCT Golden Bella na inanod ng malalaking alon at hinampas ng hangin dahil sa Habagat dulot ng bagyong Goring sa baybayin ng Barangay Ilijan, Batangas City.

Ang naturang barko ay kinakargahan ng mga cargo, trucks, containers, building materials, kotse at maging mga pasahero.

Ayon sa Coast Guard, umalis ang nasabing barko sa Brooke’s Point sa Palawan na may mga kargang heavy equipment patungong Manila Bay.

Magkukubli lamang sana ang nasabing barko sa Batangas dahil sa sama ng panahon ngunit hindi na kinaya ang malalakas na hangin at alon na naging sanhi ng pagsadsad nito.

Nakikipagtulungan na rin  ang Golden Anchor Shipping Lines Corporation, ang nagmamay-ari ng naturang barko.

Mabilis namang ni-rescue ng PCG Marine Environmental Protection Force and Special Operations Unit sa Southern Tagalog ang mga tripulante ng barko gamit ang rubber boats.

Napag-alaman na kargado rin  ng 13,456 liters ng diesel at 173 liters na lube oil ngunit hindi naman  ito magiging sanhi ng oil spill sa naturang karagatan.