December 27, 2024

Baril, pampasabog at bala nasamsam sa bahay ng miyembro ng gun for hire sa Batangas

SAN JUAN, BATANGAS – Nasamsam ang iba’t ibang klase ng mga baril, pampasabog at mga bala sa bahay ng isang suspek na pinaniwalaang miyembro ng kilabot na “Eleazar Rocio Criminal Group” bandang 1:00 ng hapon noong Sabado sa isinagawang search operations ng mga pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Batangas Provincial Police Office, Office of the Provincial Director-Drug Enforcement Unit, Batangas Provincial Mobile Force Company/Special Weapon and Tactics, 403rd A MC, Regional Mobile Force Force (RMFB-4A), Regional Intelligence Division (RID4A-RIT-Batangas), RIU-4A, NISG Southern Luzon at ng San Juan Municipal Police Station, sa Brgy. Sitio Marecacawan, Brgy. Quipot ng nasabing bayan.

Kinilala ang suspek na si Jay-R Bas, 37, tubong Davao City at kasalukuyang residente sa nabanggit na bayan.

Base sa report na ipinadala ni Batangas Police Provincial Director, Colonel Glicerio Cansilao kay Officer in Charge (PNP-OIC) Lieutenant General Vicente Danao Jr., isinagawa ng mga otoridad ang nasabing operasyon sa utos ng ipinalabas na search warrant ni Honorable Rose Marie Manalang-Austria, Presiding Judge  ng Regional Trial Court-Branch 87 ng Rosario, Batangas, sa ginawang paghahalughog sa bahay ng suspek ay nadiskubre ang mga baril tulad ng Cal.5.56 rifle Colt, Cal.9mm pistol, Cal.9mm Jericho, Armscor Cal.40 pistol, mga magazine, mga iba’t-ibang klase ng mga bala para sa mga nasabing kalibre ng mga baril at mga pampasabog tulad ng rifle grenade with tracing bullet, MK 2 hand grenade fragmentation at iba pang mga tactical accesories wala naman sa kanyang bahay ang suspek ng isagawa ang paghahalughog.

Sinabi pa ni Colonel Cansilao na nag-o-operate ang grupo ng suspek sa ika-apat na distrito ng Batangas at nagpapatuloy umano ang kanilang ginagawang hot pursuit/follow up operation sa suspek para agad madakip at mapanagot ang suspek sa mga kinasangkutang krimen. (KOI HIPOLITO)