January 23, 2025

Barangay Chairman lang ang nag-approve sa Chocolate Hills resort – DILG

Isang barangay captain lamang ang nagsilbing chairperson ng Protected Area Management Board (PAMB) nang maglabas ito ng resolusyon na nagpapahintulot sa isang resort sa Chocolate Hills, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Huwebes.

Sa isang press conference sa kanyang pagbisita sa Captain’s Peak Resort, sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na wala ang chairman mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa proceedings.

“Noong nakita ko itong resolution na ginawa, kung hindi ako nagkakamali, wala yung chairman ng DENR. Ang nag-chair ay isang barangay captain. Kaya naipasa itong tungkol sa Captain’s Peak,” saad niya.

Ayon kay Abalos, kasama sa organizational structure ng PAMB ang head ng DENR, isang gobernador, tatlong kinatawan ng distrito, 65 barangay kapitan, at iba pang kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya.

Dahil dito, sinabi ni Abalos na titipunin niya ang PAMB sa mga rehiyon para “ma-capacitate” ang mga ito sa tulong ng DENR.

Samantala, sinabi ni Abalos na inilista na ngayon ng DILG ang iba pang mga protektadong lugar sa bansa upang suriin kung may mga iligal na istruktura din ang itinayo sa mga lugar na ito.

Bumuo na rin ang DILG ng task force para tingnan ang posibleng pananagutan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pagtatayo ng Captain’s Peak Resort sa loob ng protected area ng Chocolate Hills.

Sinabi ng DENR na iniutos nito ang pansamantalang pagsasara ng resort noong Setyembre 2023 at isang Notice of Violation sa project proponent noong Enero 2024 dahil sa operasyon nang walang environmental clearance certificate (ECC). Noong Marso 13, inanunsyo ng resort ang pansamantalang pagsasara nito sa gitna ng batikos sa social media at napipintong aksyon ng gobyerno tungkol sa operasyon nito.