Todas ang isang incumbent barangay captain habang sugatan naman ang kanyang asawa matapos pagbabarilin ng hindi kilalang riding-in-tandem criminals sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, dead on the spot sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Gerardo Ragos Apostol, 56, Kapitan ng Barangay 143 at residente ng 55 Malolos Avenue, Bagong Barrio habang ginagamot naman ang kanyang misis na si Evelyn, 56, sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi tama ng sa kanang bukung-bukong.
Batay sa inisyal na imbestigasyon P/Cpl. Anthony Wanawan, habang nakaupo si Chairman Ragos sa harap ng Apostol Rice and Egg Store na pag-aari nila sa Malolos Avenue, Brgy. 143, nang dumating ang isang motorsiklo dakong alas-6:12 ng gabi at pumarada sa harap ng tindahan.
Sa pahayag sa pulisya ng saksing si Emelda Decierra, 68, store helper, isa sa mga suspek ang bumaba sa motorsiklo at paulit-ulit na pinagbabaril ang biktima sa katawan.
Tinangka namang yakapin ng asawa ng biktima ang kanyang mister subalit, binaril din sya ng suspek sa kanang bukung-bukong bago mabilis na tumakas ang mga salarin sa hindi matukoy na direksyon.
Kabilang sa ilang anggulo na tinitignan ng pulisya na posible umanong motibo sa pagpatay ay politika at personal na alitan habang patuloy naman ang follow-up operation upang matukoy ang pagkakilanlan at maaresto ang mga suspek.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA