PERSONAL na dumalo si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director Gerald Bantag sa ikalawang preliminary investigation sa kaniyang mga kasong double murder sa Department of Justice (DOJ) kahapon ng umaga.
Nahaharap si Bantag sa dalawang kasong murder sa broadcaster na si Percival Mabasa at Bilibid inmate na si Jun Villamor.
Sinabi ni Bantag na nakapagbigay na siya ng counter-affidavit sa Baguio City Prosecutors Office pero pinili pa rin na dumalo sa DOJ preliminary investigation para magsumite ng dagdag na mga impormasyon.
Ngunit nang tanungin kung ano ang idinagdag niya sa kaniyang counter-affidavit, sinagot ito ni Bantag na hindi niya maalala dahil umano sa dami.
Iginiit rin niya na hindi siya nagtatago. Hindi lamang umano siya nakadalo sa unang preliminary investigation dahil sa maling middlename na inilagay ng DOJ sa subpoena.
Kasama ni Bantag na kinasuhan si BuCor Senior Superintendent Ricardo Zulueta na hindi na makita sa ngayon.
Si Bantag ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Mabasa nang magalit umano sa expose ng huli sa kaniyang programa ng paglalantad ng kaniyang mga ari-arian at iba pang kayamanan sa Laguna. Itinanggi naman ni Bantag na sa kaniya ang nakunan ng video ng mamamahayag.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE