May 4, 2024

Bangkay ng lalaki lumutang sa tullahan river sa Malabon

NATAGPUANG palutang-lutang ang bangkay ng isang hindi pa kilalang lalaki sa Tullahan river sa Malabon City, kahapon ng umaga.

Ayon sa pulisya, tinatayang nasa 30 hanggang 40 ang edad ng biktima na katamtaman ang katawan, fair complexion, nasa 5’5 ang taas at nakasuot ng itima na sando at itim na short.

Lumabas sa imbestigasyon nina PSSg Rockymar Binayug at PSSg Diego Ngippol, habang nangunguha ng scraps sa Tullahan River sa Omboy St., Brgy. Tinajeros ang saksing si Pepe Cajefe, 54, machine operator sakay sa isang improvised Styrofoam na bangka nang makita niya ang palutang-lutang na bangkay ng biktima dakong alas-8:00 ng umaga.

Itinulak ng saksi sa tabi ng ilog ang bangkay ng biktima saka ipinaalam sa mga bystander at isang concerned citizen naman ang nagreport sa maga tauhan ng Malabon Police Sub-station 2 ng pangyayari.

Sa isinagawa namang cursory inspection ng mga tauhan ng SOCO sa bangkay, wala silang nakitang palatandaan na biktima ng karahasan ang nasawi habang inaalam pa ng pulisya ang pagkakilanlan nito.