January 23, 2025

Bangka vs HK vessels; 14 mangingisdang Pinoy nawawala

Patuloy ang isinasagawang paghahanap ng Philippine Coast Guard (PCG) sa nawawalang 14 na mangingisdang Pinoy matapos bumangga ang kanilang sinasakyang bangka sa isang cargo ship sa Mindoro nitong madaling araw ng Linggo, Hunyo 28.

Tinukoy ni PCG spokesperson Commodore Arman Balilo  ang cargo vessel bilang MV Vienna Wood, na nakarehistro sa Hong Kong, isang special administrative region ng China.

Sinabi rin ni Balilo na nasa  Mamburao, Occidental Mindoro na ang BRP Boracay kasama ang karagdagang rescue teams mula sa Batangas.

Kasalukuyan na ring nagsasagawa ng aerial search operation ang dalawang air asset ng PCG habang magde-deploy din sila ng multi-purpose response vessel para paigtingin ang search at rescue operations.

Samantala, inalalayan na ng PCG ang MV Vienna cargo vessel ng Hong Kong papunta sa Batangas Port para sa imbestigasyon.

Aalamin ng PCG kung bakit hindi tinulungan ng barko ang mga mangingisdang Pinoy.