November 18, 2024

Banggaan ng Chinese vessel vs bangka ng mangingisdang Pinoy, ‘di sadya – PCG

KUMBINSIDO si Coast Guard Commandant Vice Admiral George Ursabia na aksidente ang naganap na bungguan sa pagitan ng MV Vienna Wood at FV Liberty 5.

Sa online press briefing, sinabi ni Ursabi na sa inisyal na imbestigasyon ng PCG, ang MV Vienna Wood ang nakabangga sa Liberty 5.

Ngunit nang tanungin si Ursabia kung ano tingin niya  sa insidente, kung sinadya ang pagbangga sa Liberty 5, tugon ni Ursabia ay pinapaboran niya ang pahayag ng Malakanyang na aksidente ang nangyari sa pagitan ng dalawang sasakyang-pandagat.

Hindi aniya  sinadya ang nangyari lalo’t sa mga marinero ay maituturing na criminal act kapag sinadya ang pagbangga.

Giit pa ng bagong PCG chief, ang lugar ng insidente ay tinatawag na sea lane o highway sa dagat na daanan ng  sasakyang-pandagat.

Ang naturang insidente ay ikinumpara pa  ni Ursabia ang aksidente sa banggaan ng isang 10-wheeler truck at isang maliit na truck na maaaring nagkaroon lamang ng aberya kaya nangyari ang insidente.

Nakikiusap si Ursabia sa publiko na magdasal para mahanap na ng PCG ang mga nawawalang sakay ng Liberty 5.

Pagdating naman sa financial assistance para sa mga pamilya ng mga nawawalang mangingisda, sinabi ni Ursabi na hindi ito bahagi ng mandato ng PCG.

Paliwanag niya, kung sino  ang may  mga civil o criminal liability ang  dapat na magbabayad.

Gumagawa na rin aniya  ng mga hakbang ang PCG upang maiwasan na ang kahalintulad na insidente sa karagatan.

GINA MAPE