December 27, 2024

Banggaan ng 2 motorsiklo, rider utas, 2 sugatan

Patay ang isang 32-anyos na rider habang malubha namang nasugatan ang dalawa pa matapos aksidenteng magbanggan ang sinasakyan nilang mga motorsiklo sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot si Paul Jerico Gamayon ng Blk 14, Lot 43, Mathew St. Phase 2, San Jose Del Monte, Bulacan.

Inoobserbahan naman sa East Avenue Medical Center sa Quezon City sanhi ng tinamong pinsala sa iba’t-ibang parte ng kanilang katawan si Lucito Rivas, 27 ng Package 1, Blk 14, Lot 11, Phase 3, Brgy. 176, Bagong Silang at kanyang back rider na si Jennelyn Abrigo, 31 ng Blk 16, Lot 9, Camarin.

Ayon kay Caloocan police traffic investigator P/Cpl. William Ramirez, Jr., kapwa tinatahak ng dalawang motorsiklo ang kahabaan ng St. Joseph Avenue dakong 11:20 ng gabi kung saan sakay si Gamayon sa isang Yamaha Sniper at binabagtas ang southbound lane habang minamaneho naman ni Rivas ang isang Mitsukoshe Rapido angkas si Abrigo at tinatahak ang opposite direction.

Pagsapit sa harap ng Saint Joseph Parish Church sa Brgy. 186, sinakop ni Rivas ang lane ni Gamayon na naging dahilan upang aksidenteng magsalpukan ang kanilang motorsiklo.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga biktima sa kanilang mga motorsiklo kung saan idineklarang patay si Gamayon ng rumespondeng mga tauhan ng Caloocan City DRRMO habang isinugod naman sa naturang pagamutan si Rivas a Abrigo. Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damage to property si Rivas.