December 24, 2024

BALUKTOT NA MAINSTREAM MEDIA

NAGULAT ang korner na ito nang marinig mismo ang mga rebolusyunaryong kanta matapos na ibalita ng field reporter ang pag-aaklas ng mga estudyante ng  (reputable raw) na unibersidad sa Katipunan na nananawagan ng pagbitiw ng walang iba kundi si Pangulong Rodrigo Duterte.

Kulang na lang na manawagan na sa himpapawid ang beteranong anchorman (excuse me po!) ng mga tao na magpunta sa Katipunan upang suportahan ang mga nalilihis na landas at nabobong  mag-aaral  ng napakamahal na  paaralan na sineggundahan ng mga ingratong iskolar ng bayan sa pamantasang nasa Diliman. (Miss na nila talaga ang  palpak na People Power na nagpahirap lang sa bayan matapos nilang mauto ang mga tao na na- fake news dahil wala pang social media noon).

Halos pare-pareho na ang tema ng reporting ng mga pag-aari ng mga oligarko na broadcast at print media.

Mantakin niyo, di na sila makapaghintay na matapos ang termino ng kinamumuhian nilang si PRRD kahit na nasa kabilang kanto na ang 2022 elections.

Lumalala na ang kanilang sabwatang ibagsak ang popular sa masang Pangulo hanggat may pagkakataong siraan si PDigong dahil alam nilang wala silang tsansang manalo sa halalan kaya dapat ay may mangyaring masama sa presidente at ang kanilang manok na bise presidente  ang uupo via succession kung papayag ang taumbayan dahil kwestiyonable ang mandato nito at dinidinig pa sa electoral tribunal.

Sa limpak na salaping  ibinubuhos ng nasa likod  ng pagpapabagsak   ay nakakatiim-bagang nakayang silawin ang mga kahanay natin  sa pamamahayag.

Kaya nga   pati ang kalamidad ay ginamit nilang kutsabahan para siraan ang  administrasyon.

Nag-aksaya sila ng presyosong oras na pagandahin ang imahe ng bise presidente na isinubo at inutong lumusong sa baha kasama ang kanyang  media  upang ipakitang siya lang ang may ginagawa at nagliligtas daw ng mga  nanganganib na mga biktima ng trahedya ng kalikasan.

Pinalalabas na siya ang may kumpas sa mga sundalong nakahanda na sa pananalasa ng bagyo mula sa tunay na  timon ng Commander-in- Chief  na si PDU30.

Lahat ng atensiyon ng media ay nakatuon sa  mabuting ginagawa daw ng OVP.

Sobra na ang hirap ng bayan dahil sa sunud- sunod na kalamidad mula sa pagputok ng bulkang Taal,  pandemya, rebelyon,  lindol at mga bagyong tumama sa bansa na nagpahilahod sa ating mamamayan na kung hindi si Duterte ang pangulo ay tiyak na windang na ang sambayanang  Pilipino.

Sa halip na mag- impluwensya ng pagkakaisa sa panahon ng krisis ay ang ating mga kabaro pa ang nakikiisa sa maitim na balak ng mga dilawang oposisyon na kasamaan ang kanilang poon.

Ang dami nang damage na nagawa ng mga pekeng balita  ng mga magkakakutsaba at lalo pa itong lalala sa dulot ng minamanok nilang si bisei pero tiyak namang di na ito pahihintulutan ng Maykapal dahil may hangganan ang anumang kasamaan sa mundo at may  karmang katapat iyan… ABANGAN!

Lowcut: Panahon na para isailalim sa loyalty check ni PDigong ang mga nasa paligid niya  dahil may pakawala ang dilawan ng di nya namamalayan.Si  secretary D sana as in Depensa  pati na iyong mga me hawak sa mga tao sa dam na nagpakawala ng tubig na nagpalubog sa mistulang sinabotaheng  lalawigan ng Cagayan. Basta pera ang gumalaw kahit na buhay ng tao ang mapinsala ay wala nang pakialam.

Inyong tandaan, si PDigong ay ‘di pa lameduck president kaya humanda lahat ng salot sa lipunan sa nalalabi niyang panahon sa kapangyarihan. ANTAY LANG!