May 8, 2025

BAGONG SANTO PAPA, HAHARAP SA ‘MAHIRAP AT MASALIMUOT’ NA PANAHON SA KASAYSAYAN

Vatican City — Sa huling misa bago pormal na simulan ang conclave para sa pagpili ng bagong Santo Papa, nanawagan si Cardinal Giovanni Battista Re sa kanyang mga kapwa kardinal na pumili ng lider na may kakayahang panatilihin ang pagkakaisa ng Simbahan sa gitna ng “mahirap at masalimuot” na panahon ng kasaysayan.

Pinangunahan ni Battista Re, dekano ng College of Cardinals, ang misa sa St. Peter’s Basilica ngayong Miyerkules, kung saan dumalo ang mga kardinal mula sa limang kontinente. Isa itong mahalagang sandali bago sila tuluyang ihiwalay sa mundo upang simulan ang lihim at makasaysayang proseso ng pagboto para sa ika-267 na Santo Papa.

“We are here to invoke the help of the Holy Spirit,” ani Battista Re, sa kanyang sermon. “Ito ay isang panawagan para sa pagkakaisa ng Simbahan — hindi bilang pagkakapare-pareho, kundi bilang malalim na pakikiisa sa kabila ng pagkakaiba-iba.”

Bagamat hindi na siya kabilang sa mga boboto dahil sa edad, iginiit ng dekano na ang gagawing pagpili ay may “eksepsiyonal na kahalagahan” at kailangang isantabi ng mga botante ang anumang pansariling interes.

Aabot sa 133 ang cardinal electors mula sa humigit-kumulang 70 bansa, at kinakailangang makakuha ng hindi bababa sa 89 boto ang sinumang kandidato upang mahalal. Kabilang sa mga inaasahang pangalan ay sina Italian Cardinal Pierbattista Pizzaballa, Hungarian Cardinal Peter Erdo, at Sri Lankan Cardinal Malcolm Ranjith. Gayunman, wala pa ring malinaw na paborito sa ngayon.

Ang bagong Santo Papa ay haharap sa malalaking hamon tulad ng pagbagsak ng bilang ng mga pari, lumalalim na isyu sa papel ng kababaihan sa Simbahan, pananatiling epekto ng mga isyu sa pang-aabusong klerikal, at ang lumalawak na puwang sa pagitan ng Simbahan at modernong lipunan — lalo na sa Kanluran.

Mamayang hapon, magsisimula na ang opisyal na proseso. Mula sa Santa Marta guesthouse, tutungo ang mga kardinal sa Pauline Chapel para sa panalangin bago pumasok sa Sistine Chapel — kung saan, sa ilalim ng mga obra ni Michelangelo, ay mananumpa sila ng katahimikan at katapatan. Doon, bawat isa ay boboto gamit ang balotang may nakasulat na “Eligo in Summum Pontificem” (“Pinipili ko bilang Kataas-taasang Santo Papa”).

Isang boto lamang ang inaasahan ngayong unang gabi. Kung walang napili, itim na usok ang makikita mula sa chimney ng Sistine Chapel. Kapag may Santo Papa na, puting usok ang hudyat na abangan ng libo-libong mga mananampalatayang nakaabang sa St. Peter’s Square.

Ang buong mundo ay nag-aabang — hindi lamang sa usok kundi sa bagong lider na mamumuno sa 1.4 bilyong Katoliko sa panibagong yugto ng kasaysayan.