November 24, 2024

BAGONG PILIPINAS RALLY KONEKTADO SA CHA-CHA

KONEKTADO ang rally ng Bagong Pilipinas na ginanap sa Maynila sa charter change upang amendahan ang 1987 Constitution, ayon kay Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros.

 Sa kanyang  privilege speech, ipinakita ni Hontiveros ilang dokumento na ipinalabas ng ilang ahensiya ng pamahalaan kabilanga ang   Philippine Ports Authority, Department of Social Welfare and Development, at City Government of Manila na nag-uutos sa lahat ng makilahok o makibahagi sa event.

Binanggit din ni Hontiverso na ginamit na “payoffs” sa dadalo ang social aid tulad ng

Assistance to Individuals in Crisis (AICS).

“Dumating na nga sa paghahakot para sa tinawag nilang Bagong Pilipinas movement na rally sa Quirino Grandstand. Ang sabi ng Presidential Communications Office o PCO, wala daw itong kinalaman sa tulak para sa people’s initiative. Mawalang galang po, pero sino po ang niloko ninyo?” ayon kay Hontiveros  

Aniya, masyadong “well-coordinated” ang event.

“Worse, ginamit pa ang mga lehitimong serbisyong panlingap para pilitin ang mga bulnerableng tao na dumalo. Ito po, example ng mga AICS payout na ginagawang pabuya para makadalo sa rally. Kaya hindi po nakakapagtaka kung bakit ganoon po kadami ang dumagsa sa Quirino Grandstand kahapon, eto po kumikinang sa kaputian ang mga video,” aniya habang ipinakikita ang larawan na nagsasabing    “Bagong Pilipinas Serbisyo Fair AICS Payout-District 6”  at may detalye sa Quirino Grandstand.

Sinabi pa ni Hontiveros na niloloko ng PCO ang mamamayan kung ipinipilit nila na hindi ito konektado sa charter change.

“I have evidence that payouts were taking place at the rally and given to those who signed the petition or mobilized others to sign the petition,” aniya.

“Hindi ito tungkol sa patriyotismo o pagmamahal sa bayan. Tinipon ang mga kababayan natin para sa mga pirma nila, kasama ang napakaraming mga ‘souvenir,’” ayon pa kay Hontiveros.

Kasabay nito, binatikos din ng senadora ang tangkang paglusaw sa kapangyarihan ng Senado sa pamamagian ng peoples initiative na pinaniniwalaan ng maraming senador na iniutos ni   Speaker Martin Romualdez, pinsan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“The bigger story is that by sheer mathematical numbers, the House of Representatives, the leadership of which is by tradition aligned with the Executive, could unilaterally change the Constitution according to the dictates and desires of the sitting President.  Hindi lang po ito sa Presidente ngayon, kundi ang lahat ng susunod na president sa kasaysayan ng Pilipinas,”  ayon kay Hontiveros.

“Paano kung ang susunod na liderato ay gusto padaliin ang proseso ng pagdeklara ng martial law? O tanggalin ang mga karapatan ng manggagawa? Paano kung gusto lusawin ang Bill of Rights? O tanggalin ang term limits ng Presidente? Katawa-tawa naman ‘yan, na pag ang usapin ay papalitan ang pangalan ng kalsada, o kaya gagawa ng  national high school, sasabihin, magkahiwalay na pasya ng Senado at HOR. Pero, pero sa usapin ng Saligang Batas, na kaluluwa ng bansa, House lang ang magpapasya?” aniya pa.

Kapag pinayagan ito, sinabi ni Hontiveros na hindi lamang mawawalan ng balance sa kapangyarihan ng Senado at House of Representatives, kundi hihina ang demokrasya ng Pilipinas.

Kasabay nito, binatikos din ni Hontiveros ang umiinit na word war sa pagitan ng kampo nina dating Pangulong  Rodrigo Duterte at incumbent President Marcos.

“Kahapon, isinagawa ang Bagong Pilipinas movement na rally sa Quirino Grandstand. Sa Davao naman, may prayer rally. At ngayon, Lunes, nakatayo na tayo sa sangandaan ng kasaysayan. Now that the dust has settled, we can see clearly now. Malinaw na ang lahat sa ating mga kababayan. Ang malinaw sa lahat: parang may mali. Pinangakuan nila tayo ng unity, pero wala pang midterm, wala na kaagad na kahit anong bahid ng unity,” aniya.

“Nanalo kayo dahil pagod na ang ordinaryong Pilipino sa away at girian, pero ano ang ipinakita niyo nitong Linggo? Tunggalian na naman. Kontrahan na naman. Pinapili na naman ang mga Pilipino sa pagitan ng dalawang maimpluwensiyang pamilya,” giit pa niya.

Ipinunto pa ni Hontiveros na wala ang pagkakaisa sa makapangyarihang pamilya na may sari-sariling agenda kundi sa ordinaryong Filipinos na nagmamahal sa kanilang bansa.

“Kay Presidente at sa mga naghahari-harian sa Davao: We see through you. We see through your lies and grandiose promises. You will not divide us. Hindi nyo mabubuwag ang demokrasya at kalayaan sa bansang ito,” aniya.

“And to my fellow Filipinos: let us speak truth to power. Uncover reality. It is only with truth that we strike our path amidst the smoke and mirrors. What is at stake is the future of the Philippines, not just the future of the Dutertes or the future of the president’s family,” paliwanag pa niya.