Upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng pangangailangan sa kuryente sa lalawigan ng Bulacan, pormal nang pinagana ng Manila Electric Company (Meralco) na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan ang pinakabagong Bustos Substation.
Ang nasabing proyekto ay naglalayong tiyakin ang mas maaasahan at tuloy-tuloy na supply ng kuryente para sa mga residente at negosyo sa lugar.
Tampok sa bagong substation ang pagkakabit ng 50-megavolt ampere (MVA) power transformer bank, tatlong 69-kV gas circuit breakers, anim na disconnect switches, pati na rin ang pagtatayo ng 69-kV sub-transmission line at control house na nilagyan ng 13.8-kV indoor modular switchgear.
Inaasahang magbibigay ang naturang modernong pasilidad ng dagdag na kapasidad sa buong power distribution network ng Meralco.
Dahil sa bagong pasilidad, inaasahang mas magiging matatag ang serbisyo ng kuryente sa Lungsod ng Baliwag at mga bayan ng Bustos, Angat, at San Rafael.
Direktang makikinabang dito ang mahahalagang institusyon at commercial hubs kabilang ang Baliwag District Hospital, Bulacan State University, Bustos Municipal Hall, National University Baliwag, WalterMart Baliwag, at SM City Baliwag bilang suporta sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya sa lalawigan.
