January 23, 2025

Babala ng mga doktor: Pilipinas natatalo na sa COVID-19

Kuha ni Norman Araga noong Hulyo 20 sa pagbubukas ng walk-in center sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo, Manila 

HUMINGI ng koordinasyon sa national at local government ang mga health worker na nangunguna sa pakikipaglaban sa COVID -19, bukod sa panawagan nito ng strict lockdown para matugnan ang pagkalat ng coronavirus.

Nagbabala rin si Dr. Antonio Dans ng Philippines College of Physicians, na malapit nang matalo ang Pilipinas sa laban nito sa pandemya.

Nitong nakaraan nga lang ay iginiit ng mga pagod ng healthcare workers na isailalim sa enhanced community quarantine o ECQ ang Metro Manila na bigyan sila ng dalawang linggo para makapagpahinga nang matiwasay.

Paliwanag ng doktor, napupuno na ang mga intensive care unit ng mga ospital, kung saan nasa 85 percent na umano ang kapasidad na higit sa mas mataas sa danger zone level na 75 percent.

“Malapit nang mapuno ang mga ICU (intensive care units) at sa’min, babala na ‘yun sa buong lipunan natin na hindi tayo nagtatagumpay sa laban sa COVID,”  wika niya sa isang panayam.

“Kaya nga, pananawagan namin, sana magkaroon ng ECQ hindi lang para masugpo ang pandemya at bumaba ang mga kaso, kundi pag-isipan natin ang ginagawa natin para mag-improve ang sitwasyon,” saad niya sa isang panayam.

“Inihambing namin ito, parang nasa isa kang basketball game at natatalo ka. Last 2 minutes na eh, malapit na mag-tragedy.”

Ang health department, at Inter-Agency and National Implementation Task Force Against Pandemic ay tila “mga advisory body” lamang sa lokal na pamahalaan.

“Ang overriding problem, parang wala hong coordination mula taas hanggang ibaba. Meron namang patakaran ng localized lockdown, nasusunod ba?”  saad niya.

“Malinaw ho sa taas, pero hindi malinaw sa ibaba, sa frontlines. Kanya-kanya po ang nangyayari, kaya nagiging lalong sumasama ang ating pandemic… Tingin namin kailangan magkaroon ng tactical change spara mapalakas ang koneksyon ng utak ng bayan dun sa mga galamay sa frontlines.”

Sa isinagawang briefing na dinaluhan ng 40 medical societies, sinabi ng mga eksperto sa kalusugan na ang mga health care system ay napuno na, kasama ang ilang hospital na pansamantalang isinara upang i-decongest. Bukod pa riyan ay nagkakasakit na rin ang mga health workers.

Nitong nakaraang linggo, higit sa 4,500 doktor, nurse at iba pang health care workers ang nahawa sa sakit habang patuloy na tumataas ang bilang ng tinamaan ng COVID-19.

Hiling din ng doktor sa publiko na huwag maging kampante dahil tila tingin ng mga ito ay dahil sa pinagaan na quarantine ay napapabayaan na ang pagsusuot ng face mask, mass gathering at hindi paghuhugas ng kamay.

“D’yan na naman lalala ang pandemic, kaya nakikita natin ang pagtaas ng kaso.”