May 18, 2024

2-anyos nalaglag sa tricycle, todas sa bus

PATAY ang isang 2-anyos na babae matapos masagsaan ng bus nang mahulog sa sinasakyang tricycle sa Tondo, Maynila, kagabi.

Kaagad binawian ng buhay si Zhian Riackly Distor, ng 1990 Almeda St., Tondo na nagtamo ng matinding tama sa ulo at katawan.

Kapwa inaresto ang driver ng tricycle na si Rico Gulura, 22, ng No.401-A Pavia St., Interior 10, Tondo at ang driver ng Kia Grandbird Bus na si Jimboy Anota, 42, ng Canlubang. Calamba, Laguna.

Sa imbestigasyon ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naganap ang aksidente dakong alas-7:36 ng gabi sa panulukan ng Yuseco at Almeda Street sa Tondo.

Ayon kay PSSg Adrian Paguian, nakasakay ang biktima sa tricycle nang hindi namalayan na nalaglag na pala ang bata habang papatawid sa U-turn.

Hindi naman nagawang pumreno ang bus na nasa likuran ng tricycle at nasagasaan ang bata na agad niyang ikinamatay.