September 14, 2024

BABALA NG DOH: PAGBEBENTA NG ORGAN, HUMAN TRAFFICKING ‘YAN!

PINAALALAHANAN ng Department of Health (DOH) ang publiko na ang pagbebenta ng organ ay isang uri ng human trafficking.

Ayon kay DOH Spokesperson Asec. Albert Domingo, ito’y kontra sa adbokasiya sa organ donation, na naging paraan ng pagliligtas ng buhay.

“Organ selling is human trafficking. Ang pagbenta ng kidney ay pagbenta ng katawan… Kung meron po tayong voluntary donation, iyan po ang ating tinatanggap,” aniya,

Nitong linggo, sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang bahay sa Bulacan matapos ireklamo ng isang estudyanteng pinangakuan ‘di umano ng P200,000 kapalit ng isa sa kanyang kidney na nai-transplant ‘di umano sa hindi tinukoy na pasyente.

Tatlo ang naaresto habang siyam ang nailigtas.

Aminado si Domingo na ang organ donation, tulad ng bato at atay, ay malaking tulong para sa mga pasyente.

Gayunpaman, dapat pa rin itong dumaan sa dalawang proseso – medical screening at ethics clearance.

Ibinahagi ni Domingo na iniimbestigahan ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ang nasabing raid, matapos inguso ng tatlong suspek ang head nurse NKTI na nasa likod umano ng kidney for sale.

“So this will be an internal investigation by the NKTI…Inaantay po natin iyong resulta noon para, siyempre, due process. Malaman natin kung ano man ang pagkakamali kung meron, at ang karampatang parusa kung kinakailangan,” aniya.

Itinanggi naman ng nurse ang naturang alegasyon.

Äng NKTI ay isang government-owned and controlled corporation hospital na pinangangasiwaan ng DOH.