
Rehas na bakal ang kinasadlakan ng isang babae na nagpanggap umano na pulis matapos matapos siyang magwala, manakit, manira ng gamit sa barangay hall at mahulihan din ng ilegal na droga sa Quezon City.
Ayon kay Kagawad Ramil Singson ng Bgy. San Roque, dinala nila sa kanilang tanggapan ang suspek matapos nilang makatanggap ng impormasyon na nagwawala siya sa isang LTO Office sa 20th Avenue.
Nakuhanan ng video ng mga taga-barangay ang pagwawala ng suspek sa loob ng barangay hall. Nanampal din umano siya ng isang estudyante.
“Pagdating dito sa barangay namin nagulat po kami. Pinagmumura kaming lahat! Bigla sabi niya na-c-cr siya. Tapos pagdating namin sa banyo, nagsisigaw siya at nagwawala. Pinagsisipa niya ang pintuan at mga gamit doon, nawarak po lahat. Lahat ng mga gamit doon nasira. Yung [toilet bowl] binasag niya rin,” sabi ni Singson.
“Humingi ulit siya ng tubig tapos binuhos niya ‘yun sa printer namin at sinampal niya yung isang intern namin,” dagdag niya.
Sabi pa ni Singson, inaresto nila ang babae matapos siya makuhanan ng cannabis oil, high grade marijuana, at maging mga uniporme ng pulis.
Lumabas sa imbestigasyon ng QCPD Station 7, nasangkot ang babaeng suspek sa hit and run incident noong Martes din ng umaga at tumakas siya sa opisina ng QCPD Traffic Sector 3.
“Nainvolve siya sa traffic incident nung umaga na yun. Nagpakilala siya na pulis…sabi niya ay ‘Pulis ako! Pagbabarilin ko kayo.’ At nang dadalhin na siya sa Traffic Sector 3, tumakas siya,” sabi ni Police Major Jovencio Solis Jr., Deputy Station Commander ng QCPD Station 7.
Agad dinala sa tanggapan ng QCPD Station 7 ang suspek, at doon naman siya nanira ng mga gamit at nagtapon ng dumi ng mga tao, sa mga pulis.
Isang sibilyan at isang pulis ang bahagyang nasugatan nang itapon din umano ng suspek ang ilang bahagi ng toilet bowl na kanyang sinira.
“Nasira niya yung [toilet] bowl, tapos yung dumi ngayon tinapon niya sa labas ng custodial facility natin (ano po mga dumi?) yung dumi ng tao,” sabi ni PMaj. Solis.
(Ang unang alegasyon ay nagwala kayo sa barangay at may sinampal kayo estudyante?) “Mali. Hindi yon ang unang alegasyon,” sabi ng suspek.
(Meron daw po kayong tinakasan naka-uniporme kayo ng pulis nagpapanggap kayo na pulis?) “No! Mali yun.”
Wala siyang pahayag ukol sa nakuhang ilegal na droga.
Mahaharap ang suspek sa patong-patong na reklamong physical injury, threat, usurpation of authority, unjust vexation, disobedience to a person in authority, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
More Stories
KITA NG GASOLINAHAN, NILIMAS NG RIDER
PILIPINAS TINANGGAL SA ‘GREY LIST’ NG FATF
Matapos ipagkalat na naospital ang CIDG Chief… SEARCH WARRANT ISINILBI VS PRO-DUTERTE VLOGGER