September 25, 2024

BABAENG NAGBEBENTA NG PANDESAL, PUMALAG SA HOLDAP PATAY

NASAWI ang isang babaeng pandesal vendor nang barilin ng dalawang holdaper matapos tangkaing tumakbo makaraang magdeklara ng holdap ang mga suspek Lunes ng umaga sa Caloocan City.

Hindi na umabot ng buhay sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ang biktimang si alyas “Jenicel” 24, sanhi ng tama ng bala sa likod habang umeskapo kaagad ang dalawang suspek na ang isa ay nakasuot ng itim na jacket habang rosas na t-shirt naman ang suot ng kasama.

Batay sa report, nasa loob ng Mhay-Mhay Malunggay Pandesal Store sa Little Baguio St. Miramonte Heights, Brgy. 180 ang biktima nang dumating ang dalawang armadong suspek dakong alas-5:25 ng umaga at nagdeklara ng holdap.

Sa takot ng biktima, kaagad nagtatakbo upang makaiwas sa panghoholdap, subalit isa sa dalawang suspek ang bumaril sa kanya sa likod na kanyang ikinasawi.

Susuriin nang pulisya ang mga kuha ng nakakabit na CCTV sa lugar na posibleng pagkakakilanalan at pagdakip sa mga suspek matapos ihayag ng testigo sa mga imbestigador na kapuwa walang suot na face mask ang mga holdaper.