
PASAY CITY — Ipinangako ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bibigyan ng ₱80,000 na tulong-pangkabuhayan ang babaeng lumabas mula sa imburnal sa Makati kamakailan upang makapagsimula ng sari-sari store, ayon kay Secretary Rex Gatchalian nitong Huwebes.
Nakilala ang babae bilang si “Rose”, na kamakailan ay naging viral matapos siyang makuhanan ng larawan habang lumalabas mula sa isang manhole sa Pasong Tamo, Makati. Sa kaniyang salaysay, bumaba lamang siya sa imburnal upang kunin ang kanyang maliit na blade cutter na nahulog habang nangangalakal ng basura at bote.
Sa kaniyang pakikipagkita kay Rose sa Pag-abot Center ng DSWD sa Pasay, tiniyak ni Gatchalian na katuwang ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga families and individuals in street situations (FISS), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Pangarap ni Rose na magkaroon ng sariling tindahan. Kaya naman natin siyang tulungan dahil may potensyal siyang magpatakbo nito, ayon sa ating mga social worker,” pahayag ni Gatchalian.
Maliban sa tulong sa kanyang negosyo, tutulong din ang DSWD sa kinakasama ni Rose na si Jerome, isang baker na may kaalaman din sa welding. Plano ng ahensya na bigyan siya ng training at posibleng welding machine upang mas mapatatag ang kanilang kabuhayan.
“Kung magagamit ni Jerome ang kaalaman niya sa welding, mas lalaki ang kita nilang mag-partner at magiging mas matatag ang kanilang kabuhayan,” ani Gatchalian.
Ayon sa ulat, isang taon nang naninirahan sa lansangan sa Makati sina Rose at Jerome bago sila nakapag-ipon para makaupa ng maliit na tirahan. Sa ngayon, tutulong si Rose bilang volunteer ng Pag-abot Program, upang hikayatin ang iba pang katulad niya na tumanggap ng tulong mula sa gobyerno.
“Tutulong siya sa reach-out operations, para hikayatin ang mga nakasalamuha niyang gaya niya na lumapit sa amin at mabigyan din ng pagkakataong magsimula muli,” dagdag ni Gatchalian.
Ang Pag-abot Center, na nagsimula noong 2023, ay nagbibigay ng temporary shelter at iba’t ibang intervention para sa mga taong lansangan bago sila i-reintegrate sa kanilang mga probinsya o pormal na tahanan.
Sa tulong ng DSWD, isang bagong kabanata ng pag-asa at pagbabago ang binubuksan para kay Rose — at sa marami pang kagaya niya.
