November 18, 2024

BABAENG CHINESE NATIONAL, HINULI NG NBI DAHIL SA HUMAN TRAFFICKING

NADAKIP sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national na sangkot sa human trafficking.

Ang suspek na si Wen Fangfang ay naaresto ng NBI-International Operations Division (NBI-IOD) sa  Pasay City, for Human Trafficking.

Nakatanggap ng impormasyon ang NBI patungkol sa grupo ng mga dayuhan na sangkot sa online human trafficking activities sa  sa ilang condominium units sa Pasay City.

Sa imbestigasyon ng NBI, gamit ng grupo ang telegram messaging app sa pagpo-post ng mga larawan ng mga babae na may presyo o price tags, na maaaring pagpilian ng kanilang mga kliyente at magpa-book na rin sa napiling babae.

Napag-alaman din na tanging mga kapwa nila dayuhan ang tinatanggap na kliyente ng grupo.

Matapos ang surveillance and casing operations ay natukoy ng NBI ang lokasyon ng grupo sa

Tower 1 at Tower 2 condominium sa Diosdado Macapagal Boulevard, Pasay City at dito isinagawa ang entrapment operation kay Wen.

Nakita rin sa nasabing condominium ang iba pang dayuhan na kinilala ng NBI na sina Zhao Kinwen, Huang Xiaoman, Rakhat Akhgul at Gan Chao Fen. Si Wen Fangfang ay isinailalim na sa inquest proceedings dahil sa kàsong paglabag sa human trafficking act.