November 6, 2024

Babaeng Chinese national, binugbog bago nakawan; suspek arestado

NAARESTO ng pulisya ang isang lalaki sa pambubugbog at panghoholdap sa isang babaeng Chinese national at ang kapatid nito hinihinalang kasabwat sa krimen sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., ang aarestong mga suspek na si alyas “Dannyper”, 33, at kapatid nitong si alyas “John Paul”, 24, kapwa ng P. Jacinto St., Brgy., Bagbaguin, Caloocan City.

Sa ulat ng pulisya, alas-4:16 ng umaga ng Enero 13, nang pasukin ng isang lalaki ang fastfood na pagmamay-ari ng biktimang si alyas “Tin”, 37, Chinese national sa Maysan Rd., Brgy. Maysan saka tinutukan umano ng baril ang biktima sabay hinihingi ang bag na may lamang pera.

Tumanggi ang biktima na ibigay ang kanyang bag at nagsisigaw ito na humingi ng tulong kaya pumasok na si Dannyper at pinagtulungang bugbugin ang ginang na nagtamo ng mga sugat sa mukha at ikinabali ng ilong nito.

Nagawang buksan ng mga suspek ang drawer ng restoran at nakuha ang perang nagkakahalaga ng P300,000 saka mabilis na tumakas sakay ng isang itim na Honda Click na walang plate number.

Nang makita naman ng tagaluto ang insidente, kaagad itong umakyat sa ikalawang palapag ng restoran at pinaalam sa asawa ng biktima ang pangyayari kaya agad silang humingi ng tulong sa mga tauhan ng Police Sub-Station 9 na mabalis namang nagsagawa ng follow-up operation subalit, nabigo sila na mahanap ang mga suspek.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, nakita sa cctv footage noong Enero 10, tatlong araw bago ang krimen, nagpanggap na kostumer ang mga suspek at umorder ng pagkain sa naturang fastfood sakay ng isang malaking red orange na motorsiklo.

Isang Focus Investigation Team (FIT) ang binuo ni Col. Destura Jr na kinabibilangan ng Station Intelligence Section (SIS), Station Investigation Unit (SIU), at Detective Management Unit (DMU) para tugisin ang mga suspek hanggang sa maispatan ng pulisya sa Lawang Bato ang motorsiklong ginamit ng mga salarin bago pasukin ang fastfood restaurant.

Nang parahin nila ang nasabing motor ay humarurot ito para tumakas kaya hinabol sila ng mga parak hanggang sa makorner at maaresto ang magkapatid kung saan nakuha kay John Paul ang isang kutsilyong de-tiklop habang nakumpiska naman kay Dannyper ang kalibre .38 baril na may apat na bala.

Positibo namang kinilala ng biktima si Dannyper na isa sa mga nangholdap at bumugbog sa kanya matapos ipakita ang larawan nito.

Samantala, napag-alaman ng pulisya na ang lalaking kasama umano ni Dannyper sa panghoholdap ay isang nagngangalang “Edison Dawal”, kilala rin bilang “Ricky”, ng Northville 5, Barangay Batia, Bocaue, Bulacan.

Ani PLt Armando Delima, isa pang kinokonsidera nilang suspek ang alyas “Sonny kalbo”, dating drayber ng pamilya ng biktima, na umano’y nagbigay ng mga detalye sa mga suspek ukol sa pang-araw-araw na buhay ng pamilya.

Nahaharap sa kasong Robbery with Sserious Physical Injuries at Illegal Possession of Firearms and Ammunition si Dannyper habang paglabag naman sa Article 151 at Illegal possession of Bladed Weapon ang kakaharapin ni John Paul.