December 21, 2024

Babae arestado sa P340K shabu sa Caloocan

KULONG ang isang ginang matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyon halaga ng shabu sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek bilang si Obinay Kaironisa, 45 ng Phase 12, Riverside, Barangay 188, Tala, North Caloocan City.

Ayon kay Col. Lacuesta, nakatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Caloocan police hinggil sa isang grupo ng indibidwals na nagta-transaksyon umano ng illegal na droga sa Phase 12, Riverside, Barangay 188, Tala.

Agad nagtungo sa nasabing lugar ang mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni PMAJ John David Chua kung saan nakumpirma nila ang presensya ng naturang grupo at naakatuhan ang suspek na tinanggap ang isang medium plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Nang lapitan sila ng mga operatiba sabay nagpakilalang mga pulis ay mabilis nagpulasan sa magkakahiwalay na direksyon ang grupo subalit, nagawa nilang madakma ang suspek dakong alas-10:00 ng gabi.

Nakumpiska sa suspek ang isang medium heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng humigit kumulang 50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P340,000.00.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.