November 15, 2024

Asian Mixed Martial Arts Championship sa ‘Pinas… PINOY MMA’ERS , READY TO RUMBLE-BAMBOL

Inilunsad kahapon sa Newport World Resort Mariott Gaden 3 sa Pasay City ang kauna-unahang hosting sa bansa ng Asian Mixed Martial Arts Championship. Nasa larawan sina (mula kaliwa) Derris -VIP Director ng Dynasty, Galastein Tan Sports Director ng AMMA, Lock Wai Han- Chairman AMMA Organizing Committee, Cong. (Mayor) Abraham Tolentino POC at MMAP President, Alvin Aguilar, MMAP Secretary General at David Jorden- Chief Marketing Officer ng sponsor na Newport World Resorts. (Kuha ni Menchie Salazar)

LARGA na ang lahat ng sistema para sa pagdaraos ng buwenamano at prestihiyosong Asian Mixed Martial Arts Championship na inilunsad kahapon sa Newport World Resort, Mariott Garden 3 sa Pasay City.

Punong abala ng naturang continental game sa combat sport ang Martial Arts Association of the Philippines (MMAP) ni President (Cong.) Mayor Abraham ‘Bambol’ Tolentino na siya ring Pangulo ng Philippine Olympic Committee katuwang si MMAP Secretary General Alvin Aguilar, pinuno rin ng Wrestling Association of the Philippines at founder ng tanyag na URCC MMA.

“Buwenamanong pagdaraos at pag-host ito ng MMA sa Asia kung saan nakataya dito ang medalya, prestihiyo at may laan ding premyong salapi sa mga mamamayagpag na MMA’ ers mula sa iba’t ibang Asian countries. Sa Oktubre 14-16 pa naman ang kampeonato dito sa Grand Ballroom kaya may time pa para sa pagpili ng ating mga pambato galing man sa wrestling, wushu, karatedo, taekwondo, jujitsu, sambo, kurash at iba pang combat sports, welcome lahat,” wika ni Bambol, top brass din ng PhilCycling at secretary general ng National Chess Federation of the Philippines(NCFP).

“Sa lahat ng MMA’ers sa Maynila hanggang sa probinsya, heto na ang break ninyong hinahanap. Tunay na grassroot pero international ang kalibre ng kumpetisyon.

Bakbakan na! sambit naman ni Secgen Aguilar. Dumalo rin sa kaganapan ang mga pinuno ng Asian Mixed Martial Arts at ang CMO ng Newport World Resort na pagdarausan ng AMMA bakbakan na si David Jorden. (DANNY SIMON)