January 19, 2025

“Arangkada Para Sa Chacha” ni Sen. Robin Padilla lumarga

Nagpapasalamat si Senator Robin Padilla sa mga nakasama niyang grupo ng riders sa isinagawang awareness ride o Arangkada para sa Chacha mula Tarlac patungong Baguio City.

“Tayo po ay bumiyahe paakyat ng Baguio upang ikampanya ang pagsulong ng paga-amyenda ng ating Saligang Batas,” ayon sa Senador.

Nanindigan si Padilla na nararapat baguhin ang ilang probisyon ng Saligang Batas para sa kapakinabangan ng mga Filipino.

Dapat aniya amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution sapagkat sinasamantala lamang ito ng iilang indibidwal lalo na ang larangan ng pagni-negosyo.

“Magandang maunawaan ng mga mamamayan na itong isinusulong natin na amyenda sa economic provision ay para magkaroon ng magandang kompetisyon sa negosyo at magkaroon ng maraming trabaho ang ating mga kababayan,”saad ni ni Padilla.

Nitong March 9, 2023 nagsagawa ng ikalawang public hearing ang komite ni Padilla na ginanap sa Baguio City upang alamin ang panig ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor dito sa usapin ng charter change.

Sa nasabing pagtitipon kapwa sinang-ayunan ng opisyal ng. National Economic Development Authority o NEDA at ng Commission on Elections kung sa prosesong Constituent Assembly o Con-Ass ang paraan ng pag amyenda sa halip na Constitutional Convention.

Ayon kay Neda Director of Governance Staff Atty. Reverie Pure Sapaen nasa 46-milyong piso ang gagastusin ng pamahalaan kung isasabay ang plebesito ng Con-Ass sa Barangay at SK Elections habang halos 14 na bilyong piso naman kung ihihiwalay.

Sinabi pa ni Sapaen na kung Constitutional Convention naman aabot sa 15-bilyong piso ang pondong kakailanganin kasabay ng Barangay Elections habang halos 29 na bilyong piso kung ihiwalay sa halalan.

Samantala iginiit ni Padilla na bagamat hindi tugma ang ninanais ng dalawang kapulungan ng kongreso iisa pa rin ang hangarin nitong repasuhin ang nilalaman sa economic provisions.

“Medyo dito sa dalawang bagay [Con-Ass at Con-Con] naghihiwalay ang dalawa [Kapulungan]. Pero ang magandang balita parehas po na gustong magkaroon ng amyenda sa Saligang Batas,” ani Padilla.

Kamakailan ay nagkasundo ang 301 mambabatas ng mababang kapulungan para sa Constitutional Convention na proseso ng pag amyenda sa konstitusyon.