January 11, 2025

Arago, Krog, bumida sa Batang Pinoy criterium

VIGAN CITY – Pamilya ng mga siklista, pinadyak nina Emmanuel Arago at Maritanya Krog ang gold medal sa criterium event ng PSC-Batang Pinoy National Championships – Cycling na nagsimula at nagtapos sa  Provincial Capitol Diversion Road, Ilocos Sur.

Naghari si 13-yer-old Arago ng Batangas City sa Boys Under 13 matapos irehistro ang 36 minuto at 05 segundo sapat upang sikwatin ang ginto sa event na suportado at inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni chairman Jose Emmanuel “Noli” M. Eala.

Dominado ni Arago ang karera dahil malayo ang agwat nito sa pumangalawa at sumikwat ng silver medal na si Dashel Carmona ng General Santos na nakapagtala ng 38 minuto at 05 segundo, bronze naman ang kinalawit ni DJ Perez ng Pangasinan.

“Hindi ko inaasahan, nagulat ako sa panalo ko, umpisa pa lang kumawala na ako tapos noong malapit na sinasabihan na ako na hinay-hinay na kasi malaki ang agwat ko,” masayang sabi ni Arago na idolo si former Ronda champion Ronald Oranza.

Hiindi naman nagpadaig si Krog, 13, Grade 9 student ng Baesa High School sa Caloocan, hinablot nito ang gintong medalya sa Girls 13 and below sa nilistang 37 minuto at 43 segundo sa 30 minutes plus 3 laps.

Naka silver si Maria Louisse Alejado ng Iloilo (00:39:12.067) habang bronze ang naiuwi ni Jhanah Abella ng Calapan (00:39:16.426).

Sina Jacqueline Joy De Guzman ng Quezon City at Chris Andreu Ferrer ng Cebu ang nanalo sa Girls, Boys 14 to 15 Under ayon sa pagkakasunod.

Samantala, ang ibang nakapitas ng gintong medalya sa day 2 ng grassroots development program ng PSC ay sina Sophia Angela Dela Vega ng San Jose Ciity, (long jump), Kristian Yugo Cabana ng Lucena City, (swimming), Kyla Louise Bulaga ng La Union (swimming), Ellaine Jane Calunsag (weightlifting) at Hannah Shene Cabalida (weightlifting).