Naglabas ng paglilinaw ang Antipolo Component City Police Station (CCPS) matapos mag-viral sa social media ang isang video na nagpapakita sa isang lalaking may hawak na naglalaylay na electrical cables sa tapat ng Xentro Mall sa Sumulong Highway, Brgy. Mambugan, nitong Pebrero 15.
Sa nasabing video na ipinost ng isang netizen, makikita ang lalaking kinilalang si Hans, 21 taong gulang, na nakasuot ng puting t-shirt at gray na shorts habang hawak ang mga kawad na naglalabas pa ng kislap o spark, na nagdulot ng espekulasyon sa mga nakapanood na ito ay isang kaso ng pagnanakaw ng kable.
Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Antipolo CCPS matapos matanggap ang ulat tungkol sa trending video nitong Pebrero 19.
Natukoy ng mga otoridad na si Hans ay isang residente ng Siruna Phase 1 at nagsisilbing waste management volunteer sa Barangay Mambugan.
Sa isinagawang masusing pagtatanong, itinanggi ng biktima ang paratang ng pagnanakaw at ipinaliwanag na napansin lamang niya ang mga naglalaylay na kawad sa kahabaan ng Sumulong Highway na nagdudulot ng panganib sa mga naglalakad at mga motorista.
Ayon sa pahayag ni Hans, gumamit siya ng pliers at electrical tape upang maayos na maibilot ang mga kawad at maiwasan ang anumang aksidente, nang hindi niya nalalamang kinukunan na pala siya ng video sa parking lot ng mall.
Ang nakitang kislap ng kuryente sa video ay aksidenteng naganap habang inaayos niya ang mga live wire, na nagbigay ng maling impresyon sa publiko.
Bilang aksyon, nakipag-ugnayan na ang pulisya sa pamunuan ng Barangay Mambugan at sa Meralco Antipolo upang tuluyang kumpunihin ang mga naturang kable at matiyak ang kaligtasan sa lugar.
