December 27, 2024

ANTI-DRUG ENFORCEMENT AGENCIES DAPAT ISUMITE NAKUMPISKANG DROGA – BARBERS

Pinapa-imbentaryo ni House committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mga drogang nasabat o nasa kustodiya ng lahat ng law enforcement agencies kabilang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay Barbers, layunin nito na malaman kung nakupitan at ibinalik sa kalsada o ibinebenta ang mga nakumpiskang iligal na droga tulad ng daan-daang kilo ng droga na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso na nasabat sa magkakahiwalay na operasyon sa Maynila at lalawigan ng Quezon.

Sa pagdinig ng komite ni Barbers ay isiniwalat ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo na may mga impormante na ang gustong kapalit ng tip na kanilang ibibigay ay 30 percent ng makukumpiskang iligal na droga.

Para kay Barbers, ang naturang impormasyon mula kay Lazo ay nagpapakita na seryoso ang problema sa ipinagbabawal na gamot.

Diin pa ni Barbers, marami ring lumalabas sa balita kaugnay sa malalaking drug bust pero bihira ang ulat na sinira o sinunog ang mga nasabat na droga matapos ang operasyon.