January 23, 2025

ANGARA, SUMANGGUNI SA MGA GURO

TALIWAS sa estilo ng mga nakalipas ng Kalihim ng Department of Education (DepEd) ang ipinamalas ni incoming DepEd Secretary Sonny Angara – ang pagsangguni sa mga miyembro ng militanteng Alliance of Concerned Teachers (ACT-Teachers).

Pag-amin ni ACT-Teachers partylist Rep. France Castro, inilatag ng mga guro sa bagong Kalihim ang mga hamong kinakaharap ng sektor at mga usaping aniya’y dapat agad na tugunan ng kagawaran.

Kabilang aniya sa mga ipinunto ng mga guro ang pagtugon ng departamento sa backlog ng basic education sa mga school buildings; pagsasaayos sa K-12 curriculum; salary increase ng mga guro at iba pang pangangailangan ng sektor ng edukasyon sa bansa.

Kumbinsido naman si Castro na mas magiging epektibo ang pamumuno ni Angara kung matutugunan ng incoming DepEd Secretary ang mga isyu at problema gayundin ang pagpapabuti ng edukasyon sa bansa.

Bago pa man ang nasabing pulong, naglabas ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Angara – ang pagbibigay prayoridad sa pagtugon sa problema ng mga guro sa bansa.