January 7, 2025

Ang Enero ay Pambansang Buwan ng Biblia

NGAYONG Enero ay ipinagdiriwang ang Pambansang Buwan ng Biblia alinsunod sa Proklamasyon Blg. 124 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (isinilang 1945, nanilbihan 2016-22) noong 05 Enero 2017 Huwebes. Itinatakda rin na ang Huling Lunes ng Enero ay Pambansang Araw ng Biblia.

Pinangungunahan ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas (National Library of the Philippines o NLP, itinatag 1887) ang selebrasyon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng video clip na nagpapakita ng pagsasaayos ng lumang Biblia na ginamit ni Ferdinand Romualdez Marcos Jr. (isinilang 1957) sa kanyang panunumpa bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas noong 30 Hunyo 2022 Huwebes. Ang nasabing Biblia ang ginamit din ng kanyang amang si Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. (1917-89, nanilbihan 1965-86) sa kanyang panunumpa noong 30 Disyembre 1965 Huwebes. Ayon sa NLP (2022), ang Biblia ay bilang mahalagang aklat ukol sa relihiyon at pananampalataya, bahagi ng gawain ng NLP ang pagsasaayos at preserbasyon nito. Samantala, nasa koleksiyon din ng aklatan ang mga piling sipi ng Biblia na maaaring hiramin at basahin.

Batay sa pananaliksik na isinagawa ng Philippine Bible Society (PBS, 2011), 55% ng pamilya sa bansa ang walang sariling Biblia. Kung kaya’t hinikayat ng PBS ang publiko higit ang mga kawani ng pamahalaan na maglaan ng oras upang magbasa ng Biblia. Ayon kay Dr. Nora Lucero (2017), Secretary General ng PBS, “Sa dami ng ating mga kinahaharap na mga hamon, bilang isang bayan, sana ang salita ng Diyos ay maging patnubay ng lahat.”

Ang Bible Readers Society International (BRSI, itinatag 1998) ay may layong mailayo sa masasamang bisyo ang mga kabataan at ilaan ang oras sa pagbabasa ng Biblia. Mungkahi ni Brian Gil Bautista, NCR Officer ng BRSI, “Kung nagagawa nating manood ng mahahabang teleserye lokal man o banyaga, hinihikayat na maglaan ng kahit paano’y lima hanggang sampung minuto na makapagbasa ng Biblia. Marami tayong matututuhan na magagamit sa pang-araw-araw na buhay.”

Ang Biblia ay nagmula sa bansang Palestina at naging batayan ng sangkakristiyanuhan. Naging banal sapagkat kinasihan ng banal na Espiritu. Ang Diyos ang pangunahing awtor ng Biblia. Hindi nangangahulugang siya’y kumuha ng panulat at papel at nagsulat. Sa halip, ang Diyos ay gumawa sa pamamagitan ng mga piling tao upang magsulat ng mga mensahe na ibig niyang ipabatid sa lahat.

Ang salitang Biblia ay nagmula sa salitang Griyego na “Biblios” na nangangahulugang “koleksyon ng mga aklat”. Ang koleksyon ay binubuo ng mga sinaunang banal na kasulatan tungkol sa Diyos at sa pakikipag-ugnayan Niya sa mga tao. Nahahati ang Biblia sa dalawang bahagi: ang Lumang Tipan na may 46 na mga aklat, at ang Bagong Tipan na may 27 na mga aklat.

Ayon kay Bro. Eliseo “Eli” Fernando Soriano (1947-2011), ang dating Lingkod Pangkalahatan ng Members Church of God International (MCGI, nagsimula 1977), “Ang Biblia ay parang isang love letter ng Diyos sa Kanyang mga anak. Nandiyan ang Kanyang pagmamahal, pagkalinga, pag-ibig, mga pangako, mga ipamamana – nandiyan lahat sa Biblia.”

Mababasa sa Juan 7:17-18: “Kung ang sinomang tao ay nag-iibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Diyos, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili. Ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili’y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa’t ang humahanap ng kaluwalhatian niyaong sa kaniya’y nagsugo, ang gayon ay totoo, at sa kaniya’y walang kalikuan.”

Dagdag ni Bro. Soriano (2019), “Iyong aral, ‘yung doktrina, doon mo makikita ‘yung tunay na relihiyon kung galing ba sa Diyos. Dahil kapag galing sa Diyos ay nasa Biblia. Kapag hindi galing sa Diyos ay wala sa Biblia.”

Ayon naman sa JW.Org (Mga Saksi ni Jehova, 2025), “Ang Banal na Kasulatan ay kinikilala bilang pinakadakilang aklat na isinulat kailanman dahil sa pagiging sinauna nito, sa kabuuang sirkulasyon nito, sa pagkakasalin nito sa napakaraming wika, sa natatanging kahalagahan nito sa buong sangkatauhan. Wala itong ginayang ibang mga aklat. Ang kahusayang taglay nito ay nakatatayo sa ganang sarili, sa gayo’y nagbibigay ng karangalan sa walang-katulad na Awtor nito. Natatangi rin ang Biblia dahil mas matinding kontrobersiya ang napagtagumpayan nito kaysa sa alinmang aklat, palibhasa’y kinapootan ito ng maraming kaaway.”

Ayon kay Laoag Bishop Renato Mayugba (2024), ang Tagapangulo ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Biblical Apostolate (CBCP-ECBA), “Malaking ambag sa paghuhubog ng lipunan ang pagbabasa ng Banal na Kasulatan kaya naman naaangkop lamang ng muling paigtingin ng bawat isa ang pagbabasa ng Biblia bilang gabay sa pagpapanibago at pagbabagong buhay.”

Dagdag ni Fr. Jay Flandez, SVD (2021), “Sa Banal na Biblia natin matatagpuan ang salita ng Diyos. Kung gusto natin ang buhay at lakas ng Espiritu Santo ugaliin na magbasa at magnilay sa mga salita ng Diyos. Nawa’y mayroon tayong panahon na magbasa ng Biblia upang tuloy-tuloy ang lakas at biyaya ng Diyos.”

Ang Biblia ang nangunguna sa pinakadakilang akdang pampanitikang nalikha na nagkaroon ng malaking impluwensiya sa kasaysayan. Marapat lamang na ito’y pahalagahan at basahin ng maraming henerasyon lalo na ng mga kabataan tungo sa wastong pamumuhay.

Maligayang Pambansang Buwan ng Biblia!