November 16, 2024

ANAK NI DOJ SECRETARY REMULLA TIMBOG SA DROGA

KINUMPIRMA ni Cavite Governor Jonvic Remulla na pamangkin niya at anak ng kapatid na si Department of Justice Secretary Boying Remulla ang naaresto sa Las Piñas City matapos mahulihan ng P1.3 milyon na kush o high grade marijuana.

“Si Juanito Jose Diaz Remulla III ay pamangking buo ko po. Siya ay panganay na anak na lalake ni Justice Secretary Boying Remulla,” saad ni Gov. Jonvic sa isang post sa Facebook.

“Si Sec Boying po ay nasa Geneva ngayon at pauwi pa lamang bukas.  Nakapag-usap na po kami pagkatapos ng insidente na ito,” dagdag pa nito.

Samantala, sa isang hand written statement ni Secretary Boying, sinabi nito na hindi siya makikialam sa kaso ng anak at hindi maiimpluwensiyahan ang paggulong ng kaso.

Ayon pa sa kalihim, dapat harapin ng anak anoman ang consequences o kahihinatnan ng naging aksyon nito at dapat hayaang gumulong ang hustisya.

Nagpasalamat din ang kalihim sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa paggampan sa kanilang trabaho ng walang takot o kinikilingan.

Aminado si Remulla na mahirap para sa kanya at sa kanyang pamilya ang sitwasyong ito subalit balewala aniya ito sa pinagdadaanan ng maraming Pinoy.

Sa pambungad na pananalita ng kalihim, sinabi nito na isa siyang ama at kalihim din ng DoJ, mga tungkulin na parehong seryoso.

Binanggit nito ang patungkol sa unconditional love subalit ayon kay Remulla- 38-anyos na ang kanyang anak at dapat nitong harapin ang kanyang suliranin dahil sa kanyang mga nagawa.

Iniaresto ng mga operatiba ng NAIA-PDEA Inter Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) si Juanito Jose Diaz Remulla III na siyang claimant ng parcel na naglalaman ng P1.3 milyon halaga ng kush o high grade marijuana  na nagmula sa San Diego, California.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ay isinagawa ng NAIA PDEA IADITG ang isang controlled delivery sa isang parcel mula sa nagngangalang Benjamin Huffman, ng 1524 Horblend St. San Diego, California USA.

Na naka-consignee naman kay Juanito Remulla, sa address na Block 6 Lot 7 Primrose St. Ponte Verde BF Resort Village Talon Dos Las Piñas City, Sa ngayon ay nakatakda ng i-inquest ang suspek sa Las Piñas prosecutors office bago dadalhin sa PDEA jail sa Quezon City.