September 19, 2024

ALICE DIXSON NAPALIGIRAN NG MARIJUANA

USAP-USAPAN ngayon si Alice Dixson sa social media matapos nitong i-share sa Instragram ang snapshot kung saan makikitang napapaligiran ang aktres ng puno ng marijuana.

May caption itong: “This photo was taken on a cannabis farm. Yes marijuana! I look like a deer in the headlights…”

Hindi naman tinumbok ng aktres kung saang lugar kuha ang larawan, pero sinabi nito na umakyat siya sa isang mataas na bundok para sa kakaibang experience.

Iinilarawan niya na ilang daang puno ng marijuana ang nakita ng kanyang mga mata.

“Ssooo tall, all different sativa & indica strains; some maybe 9-10 feet tall,” ibinahagi niya.

Nauwi naman sa debate ng kanyang mga followers ang naturang post.

Ayon sa isa niyang follower, “Still can’t understand why it remains illegal when tobacco is a much more dangerous plant…”

Sinabi naman ng isa pa, “Anything that is beyond our need is addiction…”

Tanong naman ng isang pilosopong follower, “Nung nakita nyo po yung ahas sa mall, sabog ba po kayo nun?”

Kung maaalala, nitong Hulyo nang idaan ng Binibining Pilipinas International 1986 sa kanyang video blog ang paglilinaw sa tinaguriang “taong ahas” urban legend na kanyang kinasangkutan habang nasa isang sikat na mall sa Ortigas.

Dito ay kanyang iginiit na walang katotohanan ang kuwento na naisalin na sa iba’t ibang bersyon sa loob ng tatlong dekada.