Hindi mapigilan ang ratsada ng Pinay tennis sensation na si Alex Eala matapos niyang maabot ang bagong career-high na world No. 40 sa pinakahuling update ng WTA rankings nitong Lunes, Pebrero 9.
Umakyat ng limang baitang ang 20-anyos na atleta mula sa kanyang dating pwesto na No. 45, na nagpapatunay sa kanyang mainit na simula ngayong 2026.
Ang pagtalon ni Eala sa rankings ay bunga ng kanyang matagumpay na kampanya sa WTA500 Mubadala Abu Dhabi Open, kung saan umabot siya hanggang quarterfinals sa singles event bago yumuko sa world No. 11 na si Ekaterina Alexandrova.
Hindi rin nagpahuli si Eala sa doubles category matapos niyang makatungtong sa semifinals kasama ang Indonesian partner na si Janice Tjen, dahilan upang pumasok din siya sa Top 100 ng doubles rankings (No. 99).
Mula nang magbukas ang taon, tuloy-tuloy ang pag-akyat ni Eala: nagsimula siya sa No. 50, naging No. 49, umakyat sa No. 45, at ngayon ay opisyal na ngang kabilang sa Top 40 ng mundo.
Sa loob lamang ng mahigit isang buwan, sumabak na siya sa limang malalaking torneo kabilang ang ASB Classic sa New Zealand, ang kanyang main draw debut sa Australian Open, at ang makasaysayang paglalaro sa sariling bayan para sa WTA125 Manila.
Walang pahinga para sa Pinay ace dahil agad siyang tumulak patungong Doha para sa prestihiyosong WTA1000 Qatar Open.
Nakatakda niyang harapin sa Round of 64 ang pamilyar na katunggali na si Tereza Valentova ng Czech Republic.
Inaasahang mas tataas pa ang ranking ni Eala kung magpapatuloy ang kanyang magandang laro sa Qatar, na isa sa pinakamalalaking torneo sa kalendaryo ng tennis. (Ron Tolentino)
