Photo Credit: Watchmen Daily Journal
Hindi pa rin nahanap ng Filipina tennis sensation na si Alex Eala ang tamang timpla upang talunin ang pader na si Tereza Valentova ng Czech Republic, dahilan para maaga siyang magpaalam sa Qatar TotalEnergies Open nitong Lunes ng gabi (oras sa Maynila).
Sa kabila ng pag-akyat sa kanyang career-best na World No. 40 bago ang torneo, lumasap ang 20-anyos na si Eala ng 6-7(6), 1-6 na pagkatalo sa Round of 64 ng WTA 1000 event na ginanap sa Khalifa International Tennis and Squash Complex.
Nagpakita ng matinding laban si Eala sa unang set kung saan umabot pa ang iskor sa isang dikitang tiebreak. Mula sa 4-4 na tabla, nagpalitan ng puntos ang dalawa hanggang sa makuha ni Valentova (World No. 48) ang bentahe, 7-6(6), upang nakawin ang momentum ng laro.
Sa pagpasok ng ikalawang set, tila nawala ang ritmo ng pambato ng Pilipinas. Sinamantala ito ni Valentova at humarurot sa limang sunod-sunod na game. Nakakuha pa ng isang hold si Eala, ngunit masyado nang malayo ang agwat para makahabol pa sa laban na tumagal ng isang oras at 32 minuto.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na nabigo si Eala kay Valentova; ang una ay noong Japan Open noong nakaraang taon.
Inaasahang tutuloy ang batang Pinay sa Dubai Duty Free Tennis Championships sa susunod na linggo upang muling sumabak sa isa pang WTA 1000 tournament at bawiin ang kanyang momentum. (Ron Tolentino)
