November 14, 2024

ALBAYALDE IPINAGTANGGOL ANG KANYANG RECORD BILANG DATING PNP CHIEF

IPINAGTANGGOL ni dating PNP chief Director-General Oscar Albayalde ng Philippine National Police (PNP) ang kanyang record bilang highest-ranking police official sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Itinalaga si Albayalde ng noo’y pangulo na si Rodrigo Duterte, na nagdeklara ng madugong giyera kontra droga, na ayon sa Human Rights activists, ay kumitil umano sa 30,000 buhay.  Siya ang humalili sa dating PNP chief na ngayon ay si Senator Ronald “Bato” dela Rosa.

Pinalagan naman ni Albayalde ang nasabing bilang ng mga nasawi sa war on drugs, kung saan sinabi nito na masyadong exaggerated ang naturang bilang. Gayunpaman, aminado siya na maaring may nangyaring extrajudicial killings bago ang kanyang termino.

Itinanggi rin niya ang official policy ng Gobyerno na patayin ang illegal drug addicts at maliliit na kriminal.

Ito ang naging sagot ni Albayalde sa katanungan ng mga opisyales at miyembro ng Capampangan in Media Inc. (CAMI) sa Bale Balita noong Huwebes sa Clark Freeport kaugnay sa naging papel niya sa war on drugs matapos mapabalitang may plano itong sumabak sa politika.

“I never tolerated summary executions,” giit ni Albayalde. “In fact, I ordered the relief of all the policemen in that Caloocan police precinct, under which jurisdiction the murder of Kian Delos Santos occurred to prevent the perpetrators from hindering the investigation and influencing its outcome.”

Matatandaan na napatunayang guilty at hinatulan ng panghabang buhay na pagkakabilanggo ang apat na pulis na sinasabing sangkot sa krimen. Ito’y sina Chief Inspector Amor Cerillo, PO3 Arnel Oares, PO1 Jerwin Cruz, at PO1 Jeremias Pereda.

Sinabi rin nito na hindi totoo na nagbitiw siya sa kanyang puwesto. Aniya inilagay niya lang ang kanyang sarili sa non-duty status, bilang paghahanda na rin sa kanyang mandatory retirement noong Oktubre 29, 2019. Sinabi niya na ginawa niya ang naturang aksyon para sagipin ang Pambansang Pulisya sa kontrobersiya.

Sinabi rin ng dating PNP chief na hindi pa sigurado kung tatakbo siyang alkalde sa Angles City o congressman sa 1st District ng Pampanga.