November 3, 2024

‘AKO LABANAN MO, DUWAG!’ – PACQUIAO (Hate crime: 65-anyos na Pinay sa New York pinagsisipa)

MAYNILA –  Hindi nakapagtimpi si Sen. Manny Pacquiao ngayong Huwebes Santo.

“Ako labanan mo, duwag!

Ito ang naging hamon ng boxing champ at ngayon ay politician sa mga umaatake sa mga Pinoy at iba pang Asian-Americans sa United States sa gitna ng tumitinding anti-Asian violence roon.

Sa social media, nanawagan si Pacquiao na tapusin ang pag-atake laban sa mga taong walang kakayahang ipaglaban ang sarili.

“We have one color in our Blood! Stop discriminating,” dagdag ng Pambansang Kamao.

Ang isang hanay ng mga krimen kontra-Asyano kamakailan ay naiulat sa Estados Unidos. Kabilang na rito ang isang 65-anyos na Pinay na pinagsisipa ng 38-anyos na si Brandon Elliot na nakasalubong nito habang nagkakalad sa bangketa ng Times Square sa Manhattan, New York City noong Lunes.

Makikita sa CCTV footage na ilang beses tinadyakan sa ulo ang walang kalaban-laban na Pinay. Bagama’t naaresto na si Elliot ayon sa mga awtoridad.

Maging si Senator Sherwin Gatchalian ay sumabog ang galit sa mga “racist” sa America at hinambing ang mga ito sa “demonyo.”

“‘Yan ang dapat pang laban natin sa mga Asian haters sa Amerika. Mga demonyo na yon mga racist sa Amerika,” ayon sa tweet ni Gatchalian, bilang reaksyon sa pahayag ni Pacquiao laban sa Anti-Asian violence.

Kinondena rin ni Senator Risa Hontiveros ang pagdami ng hate crimes na ang puntirya ay Asian-Americans. “My heart goes out to Asian [Americans], esp[ecially] Fil-Ams, who experience this horrific level of cruelty. Ang sakit sa puso,” saad niya sa tweet.

Ayon naman kay Philippine Ambassador to the U.S. Jose Romualdez, gumagawa na ng “mahigpit na hakbang” ang Washing ton upang resolbahin ang anti-Asian violence doon bilang pagtugon sa madalas na ulat ng naturang mga insidente.

Kabilang na rito ang pagtatalaga ng “special hotlines” at pagde-deploy ng mas maraming law enfrocers sa pampublikong sasakyan at iba pang lugar kung saan malaki ang bilang ng mga nagtatrabaho at residenteng Asian Americans, ayon kay Romualdez.