January 23, 2025

Agila ng Bayan, Pinagkakatiwalaang Pahayagan ng mga Mag-aaral

SA loob ng halos isang taon ang ‘Agila ng Bayan’ ay patuloy na ginagamit bilang kagamitang pampagtuturo sa lahat sa mga mag-aaral ng Carlos L. Albert High School (CLAHS at dating Galas High School, itinatag 1963) sa Lungsod Quezon. Ang gawain ay bilang pagtupad sa proyekto ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) kaugnay sa implementasyon ng Drop Everything and Read (DEAR) na nagsimula nakaraang Enero 2024 at National Reading Month ngayong Nobyembre 2024 na may temang “Ang Kapangyarihan ng Pagbasa Tungo sa Kaalaman at Karunungan.”

Mga Mag-aaral ng Carlos L. Albert High School hawak ang kopya ng Agila ng Bayan sa pamamagitan ng kanilang butihing guro na si Teacher Socrates Pimentel.

Ang gawain ng pagbabasa ay tunay na maraming kabutihang naidudulot nito sa isang tao. Mas nakikilala at nauunawaan ng lubusan ang mga ideya, kaisipan, at damdamin ng isang tao sa mga ginamit na sagisag o titik na nakalimbag sa bawat pahina ng tekstong binabasa. Nagsisilbi ring pangunahing kasangkapan ang pagbabasa sa pagtuklas ng karunungan upang makamit ang tagumpay, kasiyahan, at kapayapaan.

Ang pahayagan na ay isang paglilimbag ng mga titik o salitang naglalaman ng balita, impormasyon, at patalastas. Kadalasang naipalimbag sa mababang halaga at maaaring mailathala sa isang espesyal na interes ng araw-araw, lingguhan, o buwanan. Sa kabila ng modernong paghahatid ng impormasyon gamit ang internet at mga social media, patuloy pa rin ang pagpapalimbag ng mga pahayagan na itinuturing na mahalagang sangkap sa paghahatid ng mga patunay sa tekstong inilalahad.

Ayon kay Ramy Atallah (2023), International Business Development Manager ng PG Paper Company Ltd, “Printed media is still considered to be more credible, as people who read newspapers feel the information is reliable and accurate, helping the reader to trust the information they are reading. These are several other reasons, such as accessibility, security, and loyalty, that sway many people in today’s society toward traditional newspaper outlets.”

Ang mga nagdaang nalimbag na isyu ng Agila ng Bayan ay patuloy na ginagamit bilang lundayan ng pagkatuto higit sa pag-aaral ng gramatika at retorika sa Filipino. Ang pangunahing layunin ay ang maipamalas ng mag-aaral ang kakayahang komunikatibo, mapanuring pag-iisip, pag-unawa, at pagpapahalagang pampanitikan gamit ang teknolohiya at iba’t ibang uri ng teksto at saling-akdang rehiyunal, pambansa, Asyano, at pandaigdig tungo sa pagkakaroon ng malawak na kamalayan.

Ayon kay James T. Barredo (2024), ang Pangulo ng Samahan ng mga Mag-aaral sa Filipino (Filipino Club) ng Carlos L. Albert High School, Lungsod Quezon, “Maraming kabutihan ang naidudulot ng pagbabasa ng mga pahayagan kagaya ng ‘Agila ng Bayan’. Nababatid ko ang mga balitang nagaganap sa loob at labas ng bansa gamit ang sarili nating wika. Malaking tulong sa aming mga mag-aaral na walang kakayahan o pagkakataong magkaroon ng nalimbag na kopya ng pahayagan.”

Ayon naman kay Arwel Alexis A. Valdez (2024), Grade 10 Topaz at dating Ministro ng Klase sa Filipino, “Mabuti at mahalaga ang pagbabasa ng ‘Agila ng Bayan’ dahil marami po akong natutuhan hindi lang sa mga balitang pambansa, maging tungkol sa showbiz, palakasan, at kasaysayan. Nakatutuwa pong isipin na hanggang ngayon ay mayroon pa rin pong naipapaprint na pahayagan kagaya ng ‘Agila ng Bayan’ sa kabila ng paggamit ng social media.”

Samantala ganito naman ang pahayag ni Crisshen Mark Andes (2024), Grade 10 Turquoise at naging dating Ministro din ng Klase sa Filipino, “Nagtitiwala ako sa pahayagang ‘Agila ng Bayan’ sapagkat nagdaragdag at nagpapalawak ito ng aking kaalaman at kaisipan tungkol sa mga kaganapan sa loob at labas ng bansa. Maganda ang layout sa bawat pahina, at malinaw ang mga mensahe sa bawat artikulong mababasa. Higit sa lahat ay pormal at disente ang pahayagan, na maaaring magamit sa lahat ng mga mag-aaral higit sa mga nag-aaral ng pamamahayag.”

May mga pagkakataon na ipinapabasa o ibinabahagi din ng mga mag-aaral ang ‘Agila ng Bayan’ sa kanilang mga magulang o guardian, mga kamag-anak, at mga kaibigan upang mabasa ang mga balita. Positibo ang kanilang nagiging pagtugon at umaasang magpapatuloy ang ganitong magagandang gawain sa pamamahayag bilang lundayan ng pagkatuto at komunikasyon.

Dagdag pa ni Barredo, “Nawa’y maipagpatuloy po ang ganitong uri ng pahayagan na naghahatid ng impormasyon at nagsisilbing inspirasyon sa tulad naming mga kabataan. Saludo po ako at kaming nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng kopya sa pamunuan at may-ari ng ‘Agila ng Bayan’ upang maitaguyod ang ‘Tapat at Walang Kinikilingan’ sa pagbabalita!”

Nagpapasalamat ng lubos ang lahat ng mga mag-aaral, mga kaguruan, mga magulang at guardian, mga alumni, at mga stakeholder’s ng CLAHS sa buong pamunuan ng ‘Agila ng Bayan’ sa kanilang pagtulong at pamamahagi ng mga kopya ng pahayagan tungo sa ikatataas ng antas ng hilig sa pagbabasa para sa mga kabataan.

Pagbati po sa Agila ng Bayan! Mabuhay!