
Mariing kinondena ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pagka-antala ng impeachment proceedings laban kay Vice President at dating DepEd Secretary Sara Duterte, sa gitna ng umano’y lumalalang krisis sa edukasyon sa bansa.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, Mayo 30, binatikos ng ACT ang anunsyo ni Senate President Francis Escudero na ipagpapaliban muna ang pagdinig sa impeachment case, na tinawag ng grupo bilang “hindi katanggap-tanggap” at isang “malaking dagok sa katarungan.”
“Ang P125 milyong confidential fund na sangkot sa alegasyon ay hindi maliit na pera, lalo na’t naghihirap ang sektor ng edukasyon,” pahayag ni ACT Chairperson Vladimer Quetua.
Ayon sa datos ng Department of Education (DepEd) na binanggit ng ACT, kulang pa ang bansa ng 165,000 silid-aralan at 150,000 guro upang maabot ang ideal na 1:35 teacher-student ratio. Bukod dito, marami ring eskwelahan ang kulang sa learning materials, clinic facilities, at guidance counselors.
“Sa pagbubukas ng klase, may mga estudyanteng magdadala ng sariling upuan, bentilador, at may mga klaseng isinasagawa sa ilalim ng puno o sa mga covered court,” ayon kay Quetua.
“Habang ganito ang sitwasyon, may alegasyon na ginamit sa maling paraan ang milyun-milyong pondong dapat sana’y para sa kanila.”
Tinukoy ng ACT na ang impeachment complaint na inihain noong Pebrero ay may pitong mabibigat na batayan, kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds noong pinamumunuan pa ni Duterte ang DepEd.
“Ang pagka-antala ay pagtalikod sa katarungan. Hindi ito dapat pagtakpan ng mga teknikalidad o political maneuvering,” ani Quetua.
Hinikayat ng ACT ang Senado na bilisan ang proseso ng impeachment upang mapanagot ang mga opisyal na pinaniniwalaang nagwaldas ng pera ng taumbayan.
“Justice delayed is justice denied,” diin pa ni Quetua. “Hindi dapat protektahan ang mga tiwali. Ang kailangan natin ay transparency, accountability, at tunay na serbisyo para sa mga kabataang Pilipino.”
Sa harap ng krisis sa edukasyon, iginiit ng ACT na dapat unahin ng gobyerno ang paglalaan ng sapat na pondo sa mga paaralan kaysa sa mga hindi malinaw na gastusin.
“Kung may pondo para sa confidential funds, dapat may mas malaking pondo para sa silid-aralan, libro, at guro. Ang kinabukasan ng kabataan ang nakataya dito,” pagtatapos ni Quetua.
More Stories
DOH: Walang Lockdown Dahil sa Mpox, Mag-ingat sa Fake News!
Pagpapalawak ng P20 rice program, pinuri ng Navotas solon
ILIGAL NA ‘PAKYAWAN’ PAY SYSTEM? TULFO AT DOLE SUMALAKAY SA PAGAWAAN NG CHICHIRYA