November 19, 2024

Acorda magreretiro na sa Disyembre 3… 7 HENERAL KANDIDATONG PNP CHIEF

Para kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, mahalaga ang nagawang performance ng mapipili na susunod na lider ng magiting na 228,000 na kapulisan ng Philippine National Police (PNP).

Nakatakda kasing magretiro si PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. sa kanyang ika-56 birthday sa Disyembre 3 matapos ang 37 taon sa serbisyo, kabilang na rito ang halos walong buwan na pagiging pinuno ng pambansang kapulisan.

Ayon kay Abalos may pitong police generals ang pagpipilian ang pupuwedeng pumalit kay Acorda. Inamin din nito na mayroon siyang personal choice pero nakasalalay pa rin ang pagpili sa Presidente.

“I have my own personal choices, ibibigay ko rin ito sa ating Pangulo.”

“Halos lahat naman talagang magagaling. Marami tayong magagaling na kapulisyahan ngayon pero, of course, prerogative talaga ito ng Pangulo,” saad niya. “Sabihin mo na lahat ng qualification pero at the end of the day it’s all about output. Yung kanyang performance. Ibigsabihin bumababa ang criminality, gumanda ba ang huli sa droga,” dagdag pa nito nang tanungin kung anong kwalipikasyon ang hinahanap para sa susunod na PNP chief.

Ayon sa report, posibleng sina PNP deputy chief for operations Lt. Gen. Michael John Dubria; PNP chief of the directorial staff Maj. Gen. Emmanuel Peralta; Criminal Investigation and Detection Group director Maj. Gen. Romeo Caramat Jr.; director of the Directorate for Police Community Relations Maj. Gen. Edgar Alan Okubo; director of the Directorate for Information and Communications Technology Management Maj. Gen. Bernard Banac; Directorate for Comptrollership director Brig. Gen. Rommel Francisco Marbil; at National Capital Region Police Office head Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang puwedeng pumalit kay Acorda bilang PNP chief.