November 24, 2024

Ika-85 Malasakit Center binuksan sa NCMH sa Mandaluyong

BINUKSAN na ang ika-85 Malasakit Center sa bansa sa loob ng National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City ngayong Biyernes, ayon kay Mayor Carmelita Abalos.

Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop para sa mga pasyente, partkular na sa mahahirap nating kababayan, na humihingi ng medikal at pinansiyal na tulong mula sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.

Kabilang sa mga government agency na ito ay ang Department of Health (DoH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

“Lubos na nagpapasalamat ang Pamahalaang Lungsod kay Senator Bong Go na naging daan sa pagkakaroon ng bagong medical facility na makatutulong sa mga kabababayan natin,” saad ni Abalos sa kanyang Facebook account.

Ang okasyon ay pinanungahan nina Mayor Abalos, Senator Bong Go, Presidential Assistant to the Visayas Secretary Michael Looyd Dino, NCMH Medical Center Chief II Dr. Noel Reyes, Health Sec. Francisco Duque III at Mandaluyong Congressman Boyet Gonzales.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11463 o Malasakit Centers Act of 2019, ang lahat ng ospital na pinatatakbo ng DOH  sa buong bansa ay may mandato na magtatag ng kanilang sariling  Malasakit Center. Noong Setyembre 25, pinasinayaan ang ika-84 Malasakit Center Center sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital sa Iba, Zambales.